Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tokhang tinalupan ng DOJ, 150 pulis sabit

0 108

Inilabas na ng Department of Justice(DOJ) ang impormasyon sa inisyal na batch ng 52 kaso na isinailalim sa pagrebisa nito bilang bahagi ng polisya ng gobyerno na magkaroon ng transparency sa kampanya laban sa iligal na droga.

Nakapaloob sa inilabas na ulat ng DOJ ang mga docket number, pangalan ng mga napatay na suspek, lugar at petsa ng insidente at ang mga obserbasyon ng panel na nag-imbestiga sa mga kaso.

Karamihan sa 52 kaso ay ang malaking bilang ng “single incident” katulad ng operasyon sa Liloy, Zamboanga del Norte noong Hulyo 29, 2016 na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo katao.

Ayon sa ulat ng pulisya, nakasakay umano ang tatlong suspek sa isang sasakyan na hindi tumigil sa checkpoint at pinaputukan ang mga pulis dahilan para gumanti ang mga awtoridad.

Subalit ayon sa DOJ review panel, base sa medico-legal report, lumalabas na binaril nang malapitan ang mga biktima.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kaugnay nito, iniutos na ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na tanggalin sa serbisyo ang mga sangkot na pulis.

Kabilang sa 52 kaso ang pagkamatay ng isang lalaki na nasawi sa Fort Bonifacio, Taguig City noong Disyembre 2016.

Base sa ginawang pagrebisa ng DOJ sa mga kaso, lumabas na karamihan ay kulang ang imbestigasyon, walang death certificate, walang pre-operation report, walang koordinasyon, ballistics o paraffin test result o autopsy result.

Ang ibang suspek ay nagtamo ng maraming tama ng bala.

Ayon sa DOJ, nasa 150 pulis ang sangkot sa 52 kaso na inimbestigahan nito kaugnay sa giyera kontra droga o mas kilala sa tawag na tokhang. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.