Abante Tonite Interactive

Tomador na pulis-QC sisibakin

By
1,835

Sa kangkungan pupulutin ang mga pulis sa Quezon City na mahilig uminom ng alak pero kapag nalalasing ay nagwawala at nagpapaputok ng baril sa kanilang lugar.

Ito ang ibinabala ni Chief Supt. Guillermo Eleazar sa kanyang mga tauhan sa Quezon City Police District (QCPD) kasunod ng pagkaka-aresto kay PO1 Marcos Lagui, nakatalaga sa Police Community Precinct 5 ng Caloocan City Police.

Dinakip si Lagui at ang dalawa pa nitong kamag-anak matapos na mag-amok at magpaputok ng baril sa kanilang lugar sa Brgy. Claro, Quezon City kamakailan habang nasa impluwensiya ng alak.

Binigyang-diin ni Eleazar na kapag may nagsumbong o nahuli sa kanyang mga tauhan na lasing at nagwawala, hindi niya ito patatawarin at agad na sisibakin sa tungkulin.

“Hindi naman natin maiaalis na iinom sila pero ‘pag iinom sila, ‘yung kaya lang nila at kaya nilang dalhin ang sarili nila, kahit pa naka-sibilyan sila,” giit ni Eleazar.