Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tomboy ni-rape na tinodas pa

0 1,036

Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 21-anyos na transgender na hinihinalang hinalay pa bago natagpuan ang bangkay sa Bagong Silang, Quezon City nitong nagdaang Huwebes.

Nakilala ang biktima na si Ebeng Tria Mayor na nakita ang hubo’t hubad na bangkay ilang araw matapos siyang magpaalam sa ina na gagala lang.

“May nagsabi lang po na kaibigan ng anak ko na may babae daw na natagpuan sa Bagong Silang na ni-rape at hinoldap doon at itinapon na lang doon sa may bangin ng Bagong Silang,” ayon kay Cherry Tria, ina ng biktima.

Ayon sa Cebu-based trans rights organization na Transman Equality and Awareness Movement – Philippines, isang kahoy ang nakitang nakatusok sa ari ng hubo’t hubas na bangkay ng biktima.

Kinondena ng grupo ang karumal-dumal na pamamaslang at iginiit na magkaroon ng malalimang imbestigasyon sa tinawag nitong “hate crime” sa kanilang kabaro.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kuwento naman ng kapatid ni Ebeng na si Rachelle, nagpaalam ang biktima noong Lunes na makikipag-inuman sa mga kaibigan dahil may problema sila ng kanyang live-in partner sa Pampanga.

“Broken po siya. Kumbaga parang nag-away sila ng asawa niya tapos umuwi siya dito. Taga-Pampanga `yong asawa niya. Umuwi siya dito. Pero hindi alam ng asawa niya na umalis po siya noong gabi,” sabi ni Rachelle.

Samantala, hawak na ng mga pulis ang tatlong suspek sa pagpatay at panghahalay sa biktima.

Ayon sa Quezon City Police District, nasakote bago magtanghali kahapon ang dalawang suspek sa krimen matapos inguso ng isa pa nilang kasamahan. Hindi pa pinapangalanan ng PNP ang tatlong suspek.

Ikinuwento naman ng isang kaibigan ng biktima na sumama pa ang naunang suspek sa paghahanap kay Ebeng. Hindi na ito pinauwi ng mga pulis nang malaman na kasama siya ng biktima bago ito natagpuang patay na. Kalaunan umano ay umamin ito sa krimen.

Samantala, sa isang pahayag ay inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar ang Quezon City Police District (QCPD) na bumuo ng Special Investigation Task Group na magtatrabaho ng 24/7 para sa mabilisang pagresolba sa pagkamatay ni Ebeng. (Kiko Cueto/Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.