Abante Tonite Interactive

Tomboy sinaksak ng ex ng dyowa

484

By Armida Rico

Agaw-buhay ngayon sa pagamutan ang isang tomboy matapos itong saksakin ng dating live-in partner ng nobya nito dahil sa selos kamakalawa nang gabi sa Muntinlupa City.

Sanhi ng saksak sa tiyan ay patuloy pa ring ginagamot sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Aizel Elorde, 31, ng Narra St., Sikat Ville, Brgy. Tunasan ng nasabing lungsod.

Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Rey Morales, nasa hustong gulang.

Ayon kay Police Colo­nel Gerry Umayao, hepe ng Muntinlupa City Police, alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Narra St., Sikat Ville ng nasabing lungsod. Hindi naman binanggit ang pangalan ng kinakasama ng biktima na dating nobya ng suspek.

Lumalabas sa imbes­tigasyon na nagselos umano ang suspek sa biktima hanggang sa nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.

Sa gitna ng pagtatalo ay bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima. Nang duguang bumulagta ay mabilis nang tumakas.
Sa ngayon ay selos ang pangunahing motibong iniimbestigahan ng pulisya sa krimen.