Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tongpats sa galunggong

0 211

Habang maraming tao ang naghihirap dahil sa COVID-19 pandemic, patuloy naman sa pagyaman ang mga sindikatong nasa likod ng pagpapatong sa presyo ng inaangkat na baboy, manok, gulay at pati na ang isda.

Mismong si Senador Panfilo Lacson ang nagbunyag nito sa pagdinig ng Senate committee of the whole sa isyu ng food crisis at tongpats sa imported baboy.

“Usaping baboy pa lamang ito. Malawak din ang isyu ng outright at technical smuggling at ‘tong-pats’ schemes sa iba’t-iba pang agricultural products, kasama ang manok, isda at gulay.”ayon sa senador.

Siyempre, itatanggi ng kalihim ng Department of Agriculture na may kinalaman siya sa sinasabing tongpats sa importasyon ng baboy. Kapag umamin kasi siya, tiyak na ipapako siya sa krus ng taumbayan.

Pero kung totoong wala siyang alam, tanggapin muna natin ngayon dahil mayroon tayong tinatawag na ‘benefit of the doubt.’ Ewan ko lang kung ganito rin ang paniniwala ng ibang tao.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang masaklap lamang, kahit binuhos na sa merkado ang inangkat na galunggong, hindi naman bumababa ang presyo nito sa palengke.

Dito lamang sa Parañaque, naglalaro sa P240 kada kilo ang presyo ng galunggong. Kung minsan, pumapalo pa sa P260 hanggang P270 kada kilo. Kahit lamog na, hindi pa rin binababa sa P200 kada kilo. Presyong subdivision ika nga. Alangan namang dumayo pa sa Bulungan Seafood Market para bumili ng isang kilo ng galunggong.

‘Di ba, kaya umaangkat ng pagkain ang Pilipinas ay para ma-stabilize ang supply at presyo nito sa merkado? Ganyan dati ang katwiran nila nang payagan ang pag-import ng maraming bigas pero hindi naman masyadong bumaba ang presyo sa pamilihan.

Noong 2018, 217,000 tonelada ng galunggong ang inangkat ng Pilipinas at hindi pa kasama dito ang pinupuslit o ini-smuggle na galunggong.

Kaya naman pala hindi bumababa ang presyo ng galunggong, bagkus ay patuloy sa pagtaas, may tongpats dito ang sindikato sa importasyon ng pagkain.

Sana ipagpatuloy pa ng Senado ang pagbusisi sa isyung ito upang mapanagot sa batas ang mga taong sangkot dito na patuloy na nagpapasasa samantalang marami ang naghihirap ngayong pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.