Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Toni binutasan sa pagkanta ng ‘Lupang Hinirang’; BBM galing sa puso ang talumpati

0 97

NI: CRISTY S. FERMIN


Hindi pa man nagsisimulang kantahin ni Toni Gonzaga ang “Lupang Hinirang” nu’ng inagurasyon ni Pangulong Bongbong Marcos ay inaasahan na namin na kakalantariin siya ng mga puna at pintas.

Hindi palulusutin ng kanyang mga bashers ni Toni, lalo na ng mga trolls, kung walang makikitang butas sa kanyang rendisyon ay may gagawa mismo ng butas para lang siya upakan.

At ‘yon nga ang naganap. Hindi raw bagay kay Toni ang ating pambansang awit. Mali raw ang kanyang tempo. Hindi raw niya inilagay sa kanyang kaliwang dibdib ang kanang braso niya para maging sinsero ang kanyang pagkanta.

Mema lang. May pintas lang na mapalutang. Kitang-kita at dinig na dinig naman ng publiko na hindi nagpairal ng artistic license si Toni sa pagtatawid ng “Lupang Hinirang.”

Sinunod niya ang tempong pamartsa. Naabot niya ang pinakamataas na tono. Napakasimple lang ng kanyang gayak na alam mong hindi siya nakikipagkumpetensiya sa sinumang nandu’n.

Hindi namin puwedeng sabihin na pinakamahusay na Pilipinong mang-aawit si Toni Gonzaga, pero siya ang pinili ng bagong pangulo, makakaya ba nating kontrahin ‘yon?

Bukod kay Toni ay nais naming batiin si Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. sa pagtatawid ng kanyang dalawampu’t limang minutong talumpati nang walang binabasa.

Anumang pahayag na malaya at hindi nakakulong sa iskrip at teleprompter ay mas sinsero, galing sa puso, niyayakap ng mga nakikinig.

Mula sa aming kabataan ay nakailang presidente na kami ng ating bayan. Lahat sila ay nagbabasa ng iskrip, pasilip-silip lang sa mga tagapakinig, kaya ang pagsasalita ng puso ay nakakaligtaan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.