Abante Tonite Interactive

Top official ng NPA, timbuwang

268

Patay ang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Sorsogon habang arestado ang kasama nito matapos ang isinagawang operasyon ng puwersa ng pulisya at sundalo kahapon nang madaling-araw sa bayan ng Magallanes ng lalawigang ito.

Kinilala ang nasawing suspek na si Edwin Dematera, Vice Chairman ng NPA sa lalawigan ng Sorsogon. Nadakip naman ang kasama nitong si Jimuel Bueno, 20-anyos, ng Brgy. Bulala, Incarizan, Magallanes, Sorsogon.

Sa ulat ni Police Lt. Joseph Sadio Millarez, hepe ng Magallanes Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente dakong alas-12:10 nang madaling-araw sa Brgy. Bulala, Incarizan ng nabatid na bayan.

Napag-alaman na magsisilbi sana ng warrant of arrest ang pinagsamang puwersa ng pulisya at mga sundalo laban kay Dematera dahil sa kasong murder subalit nanlaban ang dalawa dahilan upang mapatay ang opisyal ng NPA habang nadakip naman ang kasama nito.

Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre .45 at isang kalibre .38 baril na ginamit sa panlalaban. (Edwin Balasa)