Abante Tonite Interactive

Total ban sa paggamit ng plastic isulong na

0 121

Kamakailan lamang nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang tulu­yang ipagbawal ang paggamit ng plastic. Anang Pangulo, isang paraan ito para ma­labanan ang climate change sa mundo.

Pero giit nito, kina­kailangan ang pagkilos ng Kongreso para ma­kagawa ng batas na tuluyang magbabawal na sa paggamit ng plastic saanmang panig ng bansa.

Sa isang report kaugnay ng plastic pollution, pangatlo ang Pilipinas sa pinakama­laking pinagmumulan ng mga plastik na natatapon sa mga karagatan. Sinusundan ng bansa ang China at Indonesia.

May mga panukala nang inihain sa Senado at Kamara hinggil dito. Sa Senado, itinutulak nina Senador Cynthia Villar, Pia Cayetano at Francis Pangilinan na ipagbawal na ang mga single-use plastic.

Sa ilalim ng panukala na nakabinbin sa committee level, pagbabawalan ang mga food establishment, store, market, at retai­ler sa paggamit ng single-use plastic.

Ang mga consu­mer ay pagagamitin ng mga reusable material at oobligahin ang mga manufacturer na magkolekta, mag-recycle at mag-dispose sa mga single-use plastic na nakakalat sa mga pamilihan.

Ipagbabawal din ang importasyon ng single-use plastic habang bibigyan ng insentibo ang mga indibidwal at negosyo na gagamit ng mga alternative material.

Pero dahil nakabin­bin sa Senado at Kamara ang panukala, maaari naman sigurong maglabas ng exe­cutive order na nagbabawal sa paggamit ng plastic sa bansa. Puwede naman siguro kung gugustuhin ‘di ba?

Kailangan ng aga­rang pagkilos ng gobyerno kaugnay nito dahil lubhang nakakatakot na ang problema sa plastic sa bansa. May pag-aaral pa nga na susunod na 10 taon, baka mas marami ang micro plastic kaysa sa mga isda sa dagat.

Delikado o mapa­nganib ang mga plastic sa mga yamang dagat at maging sa mga tao na kakain nito.

May report na halos 164 milyong plastic sachet, mahigit 48 mil­­­y­ong­ plastic shopping bag, at mahigit 45 mil­yong plastic bag ang nagagamit ng mga Pinoy kada araw.

May ilang local go­vernment unit naman ang nagpapatupad ng ordinansa na nagbabawas o nagbabawal sa paggamit ng plastic pero sa kabila nito, sige pa rin ang paggamit nito.

Sa Los Baños at San Pablo City sa Laguna nagpapatupad na sila plastic ban. Ecobag at paper bag ang gamit sa mga tindahan at pamilihan. Ang mga lu­malabag may multang P500 hanggang P2,500 at maaaring makulong ng hanggang anim na buwan.

Sa Quezon City mahigpit din ang paggamit ng plastic. Kahit sa Naga City ganoon. Pero bakit sa kabila nito, ganoon pa rin? Tambak pa rin ang basura na karamihan ay gawa sa plastic.

Isa lang ang ibig sabihin niyan, ‘yung enforcement. Hindi istriko ang pagpapatupad ng kanilang mga ordinansa kaya tuloy pa rin ang paggamit ng plastic. Hindi mo naman siguro masisi ang tao dahil malamang sasabihin nila ano ang alternatibo bukod sa plastic?

Pero habang wala pang batas para sa total ban sa paggamit ng plastic, mainam siguro umpisahan na ng bawat isa na tumulong para mabawasan ang paggamit nito.

Umpisahan mismo natin sa bahay. Halimbawa, gumamit ng mga reusable ecobag o ba­yong tuwing tayo ay namamalengke.

Puwede ring mag-recycle ng mga gamit. Simple lang naman ‘yan. Ipunin ang mga plastic bottle, bote, mga dyaryo at iba pang bagay na gawa sa plastic ng at ibenta sa junkshop.