Abante Tonite Interactive

Total deployment ban sa OFW nakaumang sa HK

366

Wala pang pangangailangan para magpatupad ang gobyerno ng total deployment ban sa Hong Kong sa harap ng patuloy na kilos protesta sa nabanggit na bansa.

Ito ang inihayag ni labor secretary Silvestre Bello III sa kabila ng mga babala sa overseas Filipino workers (OFWs)na nagtatrabaho sa Hong Kong at mga turistang Pilipino na nagtutungo sa lugar.

Ayon kay Bello, bagama’t may nagaganap na kaguluhan, hindi ito sapat para tuluyang ipagbawal ang pagpapadala ng mga OFW sa HK.

Mahigpit aniyang nakaantabay ang ambassador sa mga kaganapan sa Hong Kong at madalas itong nagpapadala ng report sa Pilipinas hinggil sa sitwasyon.
“Pag alert level 3, ibig sabihin magkakaroon kami ng total deployment ban. Pero sa ngayon wala pa kaming natatanggap na abiso,” ani Bello.

Sinabi ng kalihim na mayroong nakahandang contingency plan ang gobyerno sakaling lumala pa ang sitwasyon sa nabanggit na bansa.

Pinuri naman ni Bello ang mga opisyal ng embahada sa Hong Kong dahil sa pagiging maabilidad dahil mayroon silang schedule ng mga kilos protesta kaya’t naaabisuhan ang mga OFW na umiwas sa lugar kung saan mayroong kilos-protesta.
“Nagtaka nga ako sa abilidad ng aming labor attache’, mayroon siyang schedule nung activities ng protest action, anong araw at saan ang venue.

With that information meron kaming advisory sa aming kababayan na nagtatrabaho sa Hong Kong,” dagdag pa ni Bello. (Aileen Taliping)