Abante Tonite Interactive

Total lockdown pinatupad sa Pampanga

933

Sinimulan kahapon, Biyernes, ng Pampanga Provincial Police Office ang implementasyon ng total lockdown sa buong lalawigan ng Pampanga para maigting na maipatupad ang enhanced community quarantine laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ginawa ang hakbang matapos makitaan ng tahasang paglabag sa panuntunan ng pag-isyu ng home quarantine pass sa mga residente ng bawat barangay sa Pampanga.

Ayon kay Pampanga provincial police director Colonel Jean Fajardo, sa nakalipas na siyam na araw matapos ipatupad ang enhanced community quarantine ay nakitaan nila ng maraming paglabag ang mga opisyal ng barangay sa pag-isyu ng home quarantine pass.

Aniya, dapat isang home quarantine pass lamang ang ibigay sa bawat pamilya pero napag-alaman nila na hindi nasusunod ang naturang sistema bagkus bukod dito ay may inisyu pa na travel pass ang mga kapitan ng barangay sa kanilang nasasakupan.

“Dito na nagkakaroon ng wanton disregard sa pagbibigay ng HQP [home quarantine pass] na karamihan ang bawat pamilya ay nagkaroon ng tatlong quarantine pass bukod sa travel pass na siyang ipinagbawal ng Inter-Agency Task Force,” ayon kay Fajardo.

Sinabi ni Fajardo na simula kahapon ay invalid na ang home quarantine pass at papalitan ng bago na may lagda ng police chief sa bawat bayan bukod sa pirma ng bangay captain.

Nabatid pa kay Fajardo sa kasalukuyan ay hindi na makayanan ng mga kulungan sa Pampanga ang bilang ng kanilang mga nahuhuli na tahasang lumabag ng enhanced community quarantine.

Ayon kay Fajardo ang mga nahuhuli ay inilagak na lamang sa mga covered court ng bawat barangay at isinailalim sa community work bilang bahagi ng kanilang parusa.

Sinabi pa ni Fajardo na hindi na maaaring ikulong ang mga pasaway matapos tumanggi ang provincial jail at district jail dahil sa dami ng bilang ng mga nahuli. (Rudy Abular)

Tonite – Wendys Inhouse Ad