Abante Tonite Interactive

Totoong leader kailangan sa gobyerno

FOR THE RECORD

252

Pag malinis at tapat ang hangarin ng isang tao sa kanyang kapwa, marami pa rin talaga ang maniniwala kahit sabihin pang kaliwa’t kanan ang gumigiba sa kanyang reputasyon.

Iyan si dating Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, ang instrumento kung bakit malaki ang ibinagsak ng negosyo ng mga sindikato sa iligal na droga sa bansa.

Para kay Pastor Joel Apolinario, ang founder at pangulo ng Kapa Community Ministry International Inc., nakikita niya sa katauhan ni General Bato ang isang lider na gagawin ang lahat para sumunod sa ipinag-uutos ng kanyang Boss lalo na at alam niyang para ito sa kabutihan ng lahat, partikular na ang mga kabataan na marahil ay nilamon na ang mayorya sa kanilang hanay kung hindi inilunsad ng gobyerno ang giyera laban sa droga na pinangunahan mismo ni Gen. Dela Rosa.

Abante Hiring – IT dep

Tulad ni Gen. Bato na kinuwestyon ang moralidad dahil sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang ng PNP, inaakusahan din ang hangarin ni Pastor Apolinario sa pagtulong niya sa kapwa.

Pinaratangan siyang nanghuhuthot ng salapi sa kanilang mga miyembro na hindi naman totoo.

Sabagay, yan ang isang masamang asal ng mga Pinoy. Tumulong na ang tao, nahusgahan pa.

Aminado si Pastor na nagbibigay ng donasyon ang kanilang mga miyembro. May masama ba? Ginagawa rin ito sa ibang religious group ‘di ba? Pero nilinaw ni Pastor Apolinario na itinutulong din nila ang tinatanggap na donasyon sa mga nangangailangan at hindi nila ito ginagamit bilang investment capital.

Sabi ni Pastor, saludo siya sa liderato ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte kaya naman sinisikap niyang makasunod sa hangarin nito na maiangat ang buhay ng mga Pinoy lalo na ang mga kapwa nila taga-Mindanao sa pamamagitan ng pag-akay sa mga ito ayon sa turo ng Bibliya at pagkakaloob ng mga pang-kabuhayang programa na hahango sa kanilang kahirapan. Ito rin ang dahilan kaya sinusuportahan nila ang kandidatura sa Senado nina Gen. Dela Rosa at dating special assistant to the president Bong Go para sa May 13 elections. Mga trusted men ng Pangulo ang dalawa kaya tiwala aniya sila sa hangarin ng mga ito para sa bayan.

***

Sabi ni dating Sen. Jinggoy Estrada, wala siyang sama ng loob kay Pangulong Duterte kahit nalaglag siya sa mga kandidatong iniendorso nito para sa May 13 national at local elections.

Nalulungkot siya pero hindi daw siya magmumukmok. Ngayon pa raw ba siya mag-e-emote eh tukuran na sa kampanyahan. Basta, solid pa rin daw ang suporta niya sa Pangulo. May endorsement man o wala.
Kung sad si ex-Sen. Jinggoy, abot-tenga naman ang ngiti ng kapatid niyang si Sen. JV Ejercito dahil kasama siya sa mga napiling suportahan ni PRRD.
Makabawi na kaya ito ngayon? Hindi kasi maka-abante sa mga survey itong anak ni San Juan City Mayor Guia Gomez eh. Sabi nga ng mga loyalista ng erpat niyang si Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada, nakarma lang ito dahil sa pagtalikod sa kanyang ama at piniling sumanib sa ibang partido.

Dahil sa sama ng loob eh naglitanya pa itong si Erap na si ex Sen. Jinggoy lang ang iboboto niya at iiwan niya rin sa ere itong si Sen. JV tulad ng ginawa sa kanya. Tingnan nga natin kung may dalang suwerte ang kamay ni Digong at makahabol sa Magic 12 itong si Sen. JV. Abangan sa mga susunod na survey.

***

Note: Para po sa inyong mga tanong, mungkahi o reklamo, at your service po ang pitak na ito. Mag-email lang sa miraclewits@gmail.com