Abante Tonite Interactive

Totoy pumatay ng buntis, paslit

0 290

Nahuling nangupit ng ₱100

Patay na nang matagpuan ang isang 25-anyos na ginang at 4-anyos nitong anak nang pagsasaksakin ng 12-anyos na batang lalaki matapos umanong mahuli ng mag-ina na nangupit ng P100 sa wallet ng una kamakalawa sa Lubao, Pampanga.

Kinilala ang biktimang sina KC de Leon Montemayor, 3-buwang buntis at Chelsie Jade Montemayor, 4, kapwa residente ng Purok 7, Wenceslao Village, Brgy. San Roque ng nasabing bayan.

Samantala hawak na ng pulisya ang 12-anyos na batang lalaking suspek na kapitbahay ng mga biktima, may mga sugat din ito sa magkabilang kamay, habang nakuha hindi kalayuan sa lugar ang duguang damit na ginamit nito nang gawin ang krimen.

Sa ulat ng Lubao Municipal Police Station, alas-12:40 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa loob ng bahay nito ng mismong padre de pamilya na si Archie Montemayor.

Sa imbestigasyon, may mga patak ng dugo sa likurang bahagi ng bahay patungo sa bahay ng mag-asawang Montemayor, na nataong naiwang mag-isa ang suspek.
May mga bahid din ng dugo sa paligid ng bahay nang pasukin ito ng pulisya kaya agad nilang pinigil sa himpilan ang menor de edad na suspek.

Base naman sa salaysay ng isa pang menor de edad, nakita niya ang suspek na naglalakad sa kalsada at itinapon ang kulay dilaw na damit sa damuhan na narekober naman ng pulisya.

Sa ginawang imbes­tigasyon ng pulisya, umamin umano sa kanila ang suspek at sinabing nahuli umano siya na kumuha ng P100 sa pitaka ng biktimang ginang dahilan upang saksakin niya ito at idamay pa ang 4-anyos na anak.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Lubao ang suspek. (Edwin Balasa/Rudy Abular)