Abante Tonite Interactive

Toyota Alphard, Coaster palpak ang seat belt

392

Palpak ang seat belt ng ilang unit ng Toyota Alphard at Coaster na ginawa lamang mula Agosto 20, 2019 hanggang Setyembre 6, 2019 kaya pinapa-recall ito ng Toyota Motor Philippines Corp.

Sumulat si TMPC vice president Rommel Gutierrez sa Department of Trade and Industry (DTI) para sabi­hing inumpisahan na nito ang proseso.
Ayon kay Gutierrez, 80 Toyota Alphard ang apektado at pitong Toyota Coaster.

Sabi ni Gutierrez, dalawa ang locking mechanism ng mga seat belt ng Alphard at Coaster at ang isang locking mechanism ay maaaring hindi maayos ang pagka-assemble. Dahil dito, maaaring hindi maprotektahan nang tama ang pasahero sakaling magkabanggaan at maaari silang masaktan.

“One of the locking mechanisms in certain seat belts may not have been assembled correctly. This can cause an occupant to not be restrained properly in certain crashes, increasing the risk of injury,” sabi ni Gutierrez.

Iinspeksyunin ng TMPC ang mga seat belt na naturang mga unit at, kung kinakailangan, papalitan ang mga ito ng bago nang walang gastos ang may-ari. Kasalukyan nang hinahanda ng TMPC ang mga pamalit na piyesa at titimbrehan nito ang mga may-ari ‘pag handa na para dalhin nila ang kanilang sasakyan sa Toyota Dealer para sa special service campaign. (Eileen Mencias)