Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Toyota recall pa more sa palyadong sports car

0 148

Kasama na ang sports car na Toyota 86 sa recall na isinagawa ng kompanya nito sa Pilipinas para palitan ang fuel pump ng mga naturang sasakyan.

Sa sulat kay Department of Trade and Industry (DTI) Director for Consumer Policy and Advocacy Bureau Marimel Porciuncula, sinabi ni Toyota Motor Philippines Corp. (TMPC) first vice president Rommel Gutierrez na 32 unit ng Toyota 86 ang sinama na sa recall.

Ang mga unit na ito ay ginawa mula Abril 13, 2018 hanggang Oktubre 31, 2018.

Matatandaan na noong unang nag-recall ng mga sasakyan ang TMPC ay para magpalit ng fuel pump at 7,990 unit lamang ang apektado. Kabilang dito ang FJ Cruiser, Corolla, Innova, Alphard, Fortuner at Prado.

Pinalawig ang recall at nadagdagan pa ito ng 1,948 unit ng mga modelong nabanggit. Muli itong pinalawig at nadagdagan pa ng 838 unit ng Corolla, Innova, at Fortuner.

Sa ikaapat na anunsiyo, sinama ng TMPC ang Avanza at Rush sa recall at 35,923 unit ito. Sa pinakabagong anunsiyo, 32 lamang na Toyota 86 ang kasama.

Sabi ni Gutierrez, libre ang pagpalit ng fuel pump na kanilang ginagawa. Ang mga kustomer na apektado ay pinadadalhan nila ng mga sulat para madala ang kanilang sasakyan sa dealer para sa service.

Kasalukuyang nagkakahalaga ng P2 milyon ang Toyota 86. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.