Abante Tonite Interactive

Trabahador nakulob sa septic tank, todas

0 212

Isang trabahador ang nasawi matapos makulob sa ginagawang septic tank sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng hapon.

Patay na nang matagpuan ang biktimang si Leonardo Guyo y Furia alyas ‘Bordado’, nakatira sa Vergara St., Quiapo at tagalinis umano ng septic tank at mga baradong kanal sa kanilang barangay.

Sa imbestigasyon ni PSSg. John Teody Siguen ng Manila Police District-Homicide Section, alas-tres hapon nang maganap ang insidente sa isang unit ng apartment na matatagpuan sa panulukan ng Fraternal at Vergara Street sa Quiapo.

Pumasok umano sa loob ng septic tank ang biktima makaraang magreklamo ang may-ari ng bahay na barado ang kanilang kubeta.

Nabatid na pag-aari umano ng isang Mahid Elias, 26, ang naturang apartment.
Makalipas ang isang oras ay hindi pa lumalabas sa septic tank ang biktima at hindi na rin ito sumasagot kay Mahid. Dahil dito, humingi na ng tulong si Mahid sa barangay tanod na si Aries Delfin at nang puntahan nito ang biktima ay nakitang patay na pala.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente para alamin kung may pananagutan si Mahid samantalang dinala naman sa punerarya ang mga labi ng biktima para sa awtopsiya. (Juliet de Loza-Cudia)