Abante Tonite Interactive

Trabaho at programang pabahay, dapat magkadugtong

By
53

Karapatan at tungkulin ng pamahalaan na itaguyod ang kapa­kanan ng mga mamamayan para sa kanilang pag-unlad.

Kasi po, ang gobyerno ang higit na may kakayahan na isakatuparan ang layuning ito sa lahat ng kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng edukasyon, pagkain, kalusugan at pabahay.

At bilang chairman ng committee on housing and urban development sa Kongreso, ramdam ko ang bigat ng problema sa mga programang pabahay.

Kasama na rito ‘yung mga importanteng sangkap para matiyak na magiging maayos ang kalagayan ng ating mga benepisyaryo gaya ng malapit ba sila sa ospital? May eskuwelahan ba na mapapasukan ang kanilang mga anak? May kuryente ba? May maayos na supply ng tubig? At higit sa lahat eh may trabaho ba o pagkakakitaan ang mga benepisyaryo?

Simple lang naman ‘yan eh. Walang saysay na mailipat sila sa maayos na lugar kung wala naman silang pantawid sa kanilang araw-araw na panga­ngailangan. Madaling intindihin di po ba?
Nganga, gutom ang aabutin ng mga kawawang benepis­yaryo kung wala silang trabaho sa lugar na paglilipatan sa kanila.

Kaya nga po nang ihain ko sa Kongreso ang House Bill No. 6775 para sa pagbuo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), hindi lang po disente at abot-ka­yang pabahay ang la­yon ko para sa ating kababayan na wala pang mga sariling bahay kundi pati na rin yung pagtiyak na may trabaho at proyektong pangkabuhayan para sa kanila.

Kadalasan, palpak at hindi po nagiging epek­tibo ang mga proyektong pabahay dahil mas pinipili ng karamihang Filipino ang maging informal settler upang hindi maiwanan ang pinagkukuhanan nila ng kabuhayan.

Mainam po ang layunin na bigyan ng matitirhan ang mga informal settler pero sana ay nalakipan ng malapit sa trabaho. Otherwise, useless po ito.

‘Yung ginawa kasi ng gobyerno, tinapon lang sila eh. May bahay nga sila doon sa labas ng siyudad pero bumabalik lang din naman dito. Isip-isip din po, ang dugtong ng pabahay at employment ay napakahalaga.

Alam n’yo po ba na sa 1.5 milyong informal settler sa bansa, halos 600,000 sa mga ito ay nakakalat sa Metro Manila?

Kaya nga po para manatili sila sa paglilipatang bago nilang bahay, titiyakin po ng inyong lingkod na hindi lang istrukturang matitirahan kundi may bonus pang pangkabuhayan ang mga prog­ramang pabahay ng ating pamahalaan.

Siyempre, mas gaganda ang buhay ng mga maralitang tagalungsod kung ang relokasyon na ipagkakaloob sa kanila ay malapit sa kanilang pangangailangan at hindi malayo sa ­siyudad.

Kaunting panahon na lang po, kababayan. Naghihintay na lang po tayo ng pagsang-ayon mula sa mga kasama natin sa Senado para ganap ng maging batas ang ating panukala. Kumpiyansa akong ramdam din naman ng ating mga kasamang senador ang inyong pangangailangan.

Likas sa ating mga Filipino ang pagiging matatag at matiisin ‘di po ba? Kaunting panahon na lang po at abot-kamay na ang katuparan ng inyong mga pangarap. May sariling bahay at maayos na trabaho para sa hayahay na buhay.