Abante Tonite Interactive

Trabaho ng Presidente nakakapagod, sahod dapat P.5-1M – Digong

By
2,602

Kung si Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang masusunod, dapat ay P500,000 hanggang isang milyong piso ang matatanggap niyang buwanang sahod.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang pagharap sa mga sundalo sa Camp General Adriano Hernandez sa Dingle, Iloilo na P200,000 lamang ang kanyang sahod at hindi kasya sa kanyang dalawang asawa.

Kaya aniya wala itong ambisyong magpalawig ng termino gaya ng gustong palitawin ng kanyang mga kalaban dahil maliit ang kanyang sahod.

Katunayan ayon sa Pangulo ay gusto na niyang umalis dahil sobra ang pagod nito pero maliit ang suweldo.
“Wala akong ambisyon. Gusto ko ngang umalis na. Alam mo kung bakit? Alam mo ba kung magkano ang suweldo ng Presidente? Sa pagod kong ito? Punta pa ako ng Maynila tapos diretso ako ng Davao. Sa pagod ko tapos alam mo ang suweldo ko? 200…dalawa ang asawa ko,” anang Pangulo.

Nagrereklamo aniya ito dahil wala siyang meal allowance, walang representation, tapos sasakay sa barge na mahina ang hatak patawid sa Ilog Pasig at may posibilidad pang makaengkuwentro ng buwaya.

“Totoo. Nagrereklamo ako sa kanila. 200? Wala akong meal allowance, wala akong representation. Ako lang mag-isa mag-uwi, puntang opisina, tsaka ‘yung barge ko na bugbugbugbugbugbug super hina.

Eh kung abutin kami ng buwaya diyan, ka­yang habulin eh. Tsk. Ako, totoo. Ang ideal salary ko, ako… ako ang mag-estimate, dapat sa akin talaga, walang biruan… 1 million 500. Sa pagod ko, sige lang lipad eh, sige pa salute,” dagdag pa ng Presidente.

Naging normal routine na ng Pangulo ang ilang araw na pag-opisina sa Malacañang, maglilibot sa mga kampo ng militar, dadalo sa mga pampanguluhang aktibidad, haharap sa mga dayuhang bisita at bago mag-weekend ay uuwi na ito sa Davao City.