Abante Tonite Interactive

Traffic rerouting kasado sa SONA 2019

407

Magpapatupad ng mga road closure at traffic rerouting scheme ang Quezon City Police District (QCPD) sa gaganaping State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City sa Hulyo 22, 2019.

Sinabi ni QCPD Director P/BGen Joselito Esquivel Jr., inaasahan na nilang magkakaroon ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar, partikular na sa mga kalsadang papasok at palabas ng Batasang Pambansa Complex, kaya pinapayuhan ang publiko na gumamit na lamang ng alternatibong ruta kung hindi talaga maiiwasang bumiyahe sa naturang lugar.

Sa inilabas na traffic advisory ng QCPD, pagsapit ng alas-12:01 nang hatinggabi ng Hulyo 22, 2019, hindi na maaaring daanan at pagparadahan ang magkabilang linya ng kahabaan ng Commonwealth Avenue (north at southbound) mula Quezon Memorial Circle (QMC)/Philcoa hanggang sa Fairview (Fairview Center Mall), kaya’t lahat ng mga sasakyang iligal na nakaparada ay ito-tow.

Isasara rin ang bahagi ng Commonwealth Avenue (northbound) mula sa Home Depot hanggang sa Sandiganbayan u-turn slot habang mananatili namang bukas ang mga southbound lane nito.

Ang eastbound naman ng IBP, simula sa Filinvest 1 hanggang Sinagtala ay isasarado rin sa daloy ng trapiko upang bigyang-daan ang mga raliyista.
“At 6:00 AM, motorists coming from QMC to Fairview shall take Zipper Lane at the island breaker in front of Home Depot U turn-slot and take inner lanes. The end and exit point of the Zipper Lane is at the island breaker of Sandiganbayan U-turn slot. Likewise, motorists coming from Fairview to QMC shall traverse the usual southbound route,” bahagi pa ng traffic advisory.

Pagsapit naman ng alas-2:30 nang hapon, ang mga light vehicle mula sa QMC patungong Fairview ay pinapayuhang dumaan sa North Avenue, kanan sa Mindanao Ave­nue, kanan sa Old Sauyo Road, kaliwa sa Chestnut St., kanan sa Dahlia St., kaliwa sa Fairlane St., labas sa Commonwealth Ave. hanggang sa kanilang destinasyon, habang ang mga heavy vehiclesnaman ay dapat na dumaan sa Commonwealth Avenue.

Ang mga maliliit na sasakyan naman mula sa Fairview patungong QMC ay maaaring kumanan sa Fairlane St., kanan sa Dahlia St., kaliwa sa Chestnut St., kanan sa Old Sauyo Road, kanan sa Mindanao Ave., u-turn sa kanto ng Quirino Highway hanggang Mindanao Ave., kaliwa sa North Ave. patungong QMC hanggang sa kanilang point of destination, habang ang mga heavy vehicle naman ay dapat na dumaan sa Commonwealth Avenue. (Dolly Cabreza)