Abante Tonite Interactive

Trahedya sa Araw ng mga Puso: Katawan ng factory worker nagliyab

0 370

Sa mismong Araw ng mga Puso binawian ng buhay ang isang mister nang masunog ang katawan nito matapos mabuhusan ng tunaw at naglalagablab na bakal sa pinapasukang pabrika, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Dead on-the-spot si Edgardo Obzubar, 45, scrap charger sa Funice 5 Area, 8th MGM Industrial Compound sa Mindanao Avenue, Brgy. 166, Caloocan City, at taga-CF Natividad St., Brgy. Mapulang Lupa, Caloocan City.

Third degree burn ang inabot ng kanyang katawan na siya nitong ikinamatay.
Sa salaysay ni Carlo Riego, kasamahan sa trabaho ni Obzubar, ala-una ng madaling-araw nang mangyari ang insidente habang abala sila sa pagtatrabaho sa loob ng pinapasukang pabrika.

“Nagulat ako nang magsisigaw si Edgardo at humihingi ng tulong kaya pinuntahan ko siya sa kanyang puwesto,” saad ni Carlo.

Namangha ito nang makitang nagliliyab na ang katawan ng biktima at walang humpay na pumapalahaw ng iyak.

Sumaklolo na ang ibang naroroon at binuhusan ang katawan ni Edgardo para maapula ang apoy subalit binawian din ito ng buhay.

Nasa pugon ang puwesto ng biktima at posib­leng hindi nito nailagan ang nagbabagang bakal na bumabagsak sa ibaba.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente kung may kaukulang permit sa city hall ang nasabing pabrika. (Orlan Linde)