Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Trahedya sa birthday party: Bisita niratrat na, laglag pa sa condo

0 120

Naging ‘double dead’ ang isang janitor matapos barilin ng nakaalitang katrabaho at mahulog pa sa pinagtatrabahuang condominium sa Brgy. San Lorenzo, Makati City, Martes ng madaling-araw.

Arestado ang suspek na si Dionisio Tabla, 51 taong gulang, security guard matapos umamin sa pagpatay sa biktima na si Ronald Tolo, 38.

Ayon sa report, naganap ang pamamaril bandang alas-1:30 kahapon ng madaling-araw nang dumalo ng party si Tolo para sa kaarawan ng isang kaibigan na si Edmund Conto sa gusali sa Sotto St., Brgy. San Lorenzo nang magkaroon sila ng pagkakataon na magkita at magtalo ni Tabla.

Pinagbabaril ng suspek ang biktima. Umabot pa sa tatlong magkakasunod na putok ang narinig ng guwardiya ng nasabing condo, at dahil nasa rooftop sila ay nawalan ng balanse ang biktima at nahulog pa mula sa rooftop ng condo unit.

Nabatid na nagawa pang makatakbo ng suspek at nakipaghabulan pa sa mga pulis bago tuluyang naaresto, kung saan ay umamin siya sa krimen at hindi na raw napigilan ang sarili dahil nakainom siya.

Giit naman ni Tabla, nagawa niyang barilin si Tolo dahil sa kanilang away kaugnay sa isang babae.

Humihingi naman ng katarungan ang naulilang asawa ng biktima na nabatid na limang buwang buntis.

Sa ngayon, nakakulong na ang suspek sa Makati detention cell. (Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.