Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Trahedya sa Sulu

0 149

Nakalulungkot ang bumungad na balita nitong Linggo nang bumagsak ang isang C-130 cargo plane ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isla ng Sulu, lulan ang 96 pasahero at crew. Umabot na sa 50 ang kumpirmadong namatay sa crash.

Sakay ng eroplano ang mga bagong recruit ng Philippine Army na itatalaga sana sa Joint Task Force Sulu. Hindi pa man sila sumasabak sa bakbakan laban sa teroristang Abu Sayyaf, nalagasan agad ng tropa ang AFP.

Inutos na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang malalimang imbestigasyon sa insidente. Inulan rin ng batikos ang mga opisyal dahil sa sunod-sunod na pagbagsak ng mga sasakyang panghimpapawid ng AFP.

Ang bumagsak na eroplano ay isang Lockheed C-130 transport aircraft na unang ginamit noong 1988. Isa ito sa dalawang aircraft na ipinagkaloob ng U.S. government sa ilalim ng Defense Security Cooperation Agency. Marami sa mga armed forces sa buong mundo ang gumagamit ng ganitong aircraft dahil sa tunay na maasahan sa operasyon ng militar.

Sabi ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana, pa-landing ang cargo plane sa Jolo Airport pero bago ito mag-touchdown ay malapit na ito sa dulo ng runway kaya in-abort ang landing. Ang masaklap, hindi kumarga ang power kaya sinagasa nito ang kaniyugang bahagi ng Patikul.

Marami ang gumagawa ng ganitong diskarte kahit sa commercial aircraft. Naranasan ko ito sa coverage ng kampanya ng mga kandidato ng Liberal Party (LP) sa Calbayog City noong 2016. Ang sinakyan naming commercial aircraft ay sumablay din sa landing. Akala namin, nakalapag na sa runway ang mga gulong pero nagga-glide pa pala at malapit na sa dulo ng runway kaya kinargahan ng power at umakyat uli ang eroplano.

Isang buwan din akong nag-cover sa Sulu noong dekada 90 dahil sa dinukot na banyaga ng Abu Sayyaf. Sa loob ng panahong iyon, nakailang lipad yata ako mula Jolo patungong Zamboanga City at pabalik. Sa tuwing lalapag ang eroplano sa Jolo Airport, palagi itong nanggagaling sa karagatan. Hindi maaaring mag-landing sa kabilang side dahil baka tirahin ang eroplano ng mga teroristang Abu Sayyaf.

Kailangang malaman sa imbestigasyon ang sanhi ng pagbagsak ng C-130 plane upang hindi na ito maulit sa hinaharap. Ang mga aircraft madaling palitan, pero ang mga nawalang buhay, hindi na maibabalik.

Leave A Reply

Your email address will not be published.