Abante Tonite Interactive

TRAIN 2 isinalang na sa plenaryo

By
237

Namumuro nang maaprubahan ang ikalawang package ng tax reform program ng administrasyong Duterte na TRAIN 2 o ang Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities (TRABAHO).

Inihain na ito sa plenaryo at si House committee on ways and means chairman at Quirino Rep. Dakila Carlo Cua ang nag-i-sponsor ng TRABAHO o House Bill 8083.

Ang TRABAHO bill aniya ay isa sa priority legislation ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Produkto umano ito ng anim na hearing sa naturang komite, isang Technical Working Group at hindi mabilang na pagpupulong kasama ng pribadong sektor.

Nilinaw ni Cua na ang naturang panukala ay hindi magpapataw ng karagdagang buwis sa mga bilihin.

Ang layunin ­aniya nito ay ang paglikha ng mas maraming ­trabaho at oportunidad sa loob ng bansa sa ­pamamagitan ng paghikayat sa pribadong sektor na tumaya at mamuhunan sa Pilipinas at palaguin ang kanilang negosyo.

“Ibababa ng TRABAHO bill ang ating corporate income tax rate sa 20% mula sa kasalukuyang 30%. Malaking ginhawa po ito, lalo na sa ating small and medium enterprises, na tinatayang halos 95% ng lahat ng corporate taxpayers ng bansa. Ang ibig sabihin po nito, ang perang dating ginagasta para magbayad ng buwis ay puwede nang gamitin para palaguin ang negosyo, palakihin ang suweldo, o ‘di kaya pababain ang presyo ng kanilang binebenta. Bukod dito, hahabol na rin po tayo sa ating mga karatig-bansa. Sa ngayon po kasi, 20% ang corporate income tax rate sa Cambodia, Thailand, at Vietnam at 17% naman po sa Singapore. Napakalayo sa ating 30% at isang hadlang para mag-invest sa Pilipinas,” paliwanag ni Cua.