Abante Tonite Interactive

Trak na may 20 sakay nahulog sa bangin

266

Tatlo ang nasawi habang 17 ang sugatan kabilang ang tatlong bata matapos mahulog ang sinasakyang trak sa bangin na sakop ng Barangay Codcod, San Carlos City, Negros Occidental, Biyernes nang umaga.

Nakilala ang nasawing sina Jenalyn Crapiano, 40; Maricel Lobrido, 40-anyos at kapatid na si Haydie Lobrido, 53, na nagtamo ng matinding pagkabasag ng ulo at idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan. Ang mga batang pasahero na nasa edad 9, 12, at 15 ay kasalukuyang nasa pagamutan.

Inaresto naman ang driver ng trak na si Rolando Amaca, 31.

Ayon kay P/MSgt. Junniever Zapanta, traffic investigator ng San Carlos City Police Station, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng trak kaya sumadsad ito at bumagsak sa bangin sa Brgy. Codcod.

Nagawa pa umanong ibunggo ni Amaca sa puno ang trak subalit sa bilis umano ng pangyayari ay bumagsak na ito sa 50-talampakang lalim ng bangin.

Nahirapan ang mga rescuer na sagipin ang mga biktima dahil sa lalim ng pinagbagsakan ng nahulog na trak. (Vick Aquino)