Abante Tonite Interactive

Transformer sumabog LRT-2 walang biyahe

285

Nag-panic ang mga commuter ng Light Rail Transit (LRT-2) nang sumiklab ang apoy mula sa dalawang ­power rectifier ng tren sa pagitan ng ­Katipunan at Anonas stations sa Quezon City, noong Huwebes nang umaga.

Ayon sa mga pasahero nang mapansin nila ang nagliliyab na bagon at nagbukas ang pintuan ay mabilis na nagkanya-kanya na silang naglabasan ng tren at naglakad sa riles upang makababa agad.

Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan agad ­namang naapula ang apoy na umabot sa ­ikalawang alarma.

Dahil dito, pansamantalang isinara ang daloy ng sasakyan sa magkabilang panig ng kalsada para bigyang-daan ang mga bumbero na apulahin ang apoy sa tren.

Batay sa inisyal na report ni LRT-2 spokesman Atty. Hernando Cabrera, bandang alas-11:19 nang umaga, Oktubre 3, nang mangyari ang insidente sa pagitan ng Katipunan at Anonas station sa kahabaan ng Aurora Boulevard ng nasabing lungsod.

Ayon kay Cabrera, dahil sa nagliyab na ‘power rectifier’ nawalan ng power supply iba pang LRT station kaya tigil-operasyon muna ang kanilang tren.

Aniya, dahil sa nangyaring sunog ay pinag-aaralan nilang bawasan ang estasyong sineserbisyuhan ng LRT-2 habang inaayos ang mga lumundong riles at kable.

“Hindi natin mare-repair agad iyan kung talagang nasunog na siya. Ang nire-ready natin ngayon ay ‘degraded operations’. We are looking at baka kung puwede ire-reduce natin iyong operations natin mula lang Recto hanggang Anonas [stations]… or most likely hanggang Cubao lang,” ani Cabrera.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari.
Wala pang katiyakan kung kalian maibabalik ang biyahe mula Santolan station patungong Recto station at ­pabalik. (Dolly Cabreza/­Armida Rico)