Abante Tonite Interactive

Transport group magwewelga ‘pag tinabla sa palit-jeep

364

Nakiusap ang Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dahan-dahanin ang implementasyon ng jeepney modernization program na sisimulang ipatupad sa 2020 o anim na buwan mula ngayon.

“Puwede ba gradually o hinay-hinay lang ang implementation ng jeepney modernization sa 2020,” ani ACTO national president Efren de Luna.

Kasabay nito, nagbanta si De Luna na magsasagawa sila ng transport holiday sa Lunes, Hulyo 15, kasama ang lahat ng mga miyembro ng ACTO (jeep, taxi, bus, school bus, tricycle, at van) kapag hindi umano pinagbigyan ang kanilang kahilingan.

Nabatid na magkakaroon umano ng pagdinig ngayong araw ang LTFRB at dito na rin nila malalaman kung pagbibigyan ang kanilang hinihiling.

Nilinaw naman ni De Luna na hindi sila tutol sa jeepney modernization at ang hiling lang ng kanilang grupo ay dahan-dahanin ang pagpapatupad nito para makasabay sila sa sobrang higpit at nakakalitong polisiya na gustong ipatupad ng LTFRB.

Ilan sa mga inirereklamo ni De Luna ay huwag silang piliting magtayo ng mga kooperatiba, huwag pilitin na pabilhin ng napakamahal na unit na nagkakahalaga ng P1.9 milyon hanggang P2.2 milyon na hindi kayang bayaran ng isang ordinaryong driver, at huwag piliting pabilihin ng garahe o umupa ng lupa sa mga lugar na wala namang franchise route na ibinigay ang LTFRB.

Giit pa ni De Luna na hanggang ngayon marami pa ring tanong ang mga transport group tungkol sa jeepney modernization program at wala pa ring malinaw na sagot ang Department of Transportation (DOTC) kaya kung sila ang tatanungin dapat aniya huwag na muna itong ipatupad sa 2020. (Riz Dominguez)