Abante Tonite Interactive

Transport strike perwisyo sa publiko

276

Katatapos lamang ng inilunsad na nationwide transport strike ng grupong PCDO-ACTO pero hindi malinaw kung ano ang naging resulta at kung nagtagumpay ba ang mga ito sa kanilang demand sa gobyerno.

Nakakalungkot isipin na sa tuwing mayroong welga ng mga tsuper ay ang publiko ang direktang naaapektuhan at nagsasakripisyo.

Hindi naman ang mga ahensiya ng gobyerno gaya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Department of Transportation o ang Malacañang ang nahirapan o naperwisyo kundi ang mga ordinaryong mamamayan na araw-araw sumasakay sa mga pampublikong sasakyan.

May sariling sasak­yan ang mga opisyal sa nabanggit na mga tanggapan kaya hindi sila apektado kahit isang buwang tumigil ang pasada ng mga jeep.

Hindi nadadaan sa tigil-pasada ang mga gustong iparating ng transport group sa gobyerno at sa halip ay dapat gawin ito sa pamamagitan ng masusing pakikipagtalastasan sa mga opisyal o ahensiyang dapat na makinig sa kanila.

Hindi birong sakri­pisyo ang dinanas ng maraming commuter nitong Lunes, September 30 dahil marami ang naglakad na lamang o kaya ay gumastos ng mas malaking pamasahe makarating lamang sa trabaho o kaya sa paaralan.

Bakit kailangang ang commuters ang parusahan sa mga tinututulang polisiyang gustong ipatupad ng gobyerno, gaya ng transport mo­dernization?

Hindi ba dapat panahon na para i-upgrade naman ang mga pampublikong sasakyan para naman maging maginhawa at kompor­table ang mga mana­nakay?

Ilang dekada na ring nagtitiis ang mga pasahero sa mala-sardinas na sitwasyon lalo na kapag rush hour, dahil kahit puno na ay gusto pa ring isiksik ng ilang tsuper ang dagdag na pasahero sa kanilang jeep, bukod pa diyan ang usok mula sa mga palyadong tambutso na lumalason sa baga ng mga pasahero.

Sa totoo lang, may mga pampasaherong jeep na mabaho ang amoy kaya may mga pasahero na kahit mas mahal na pamasahe ay napipilitang sumakay ng Grab dahil gustong komportable ang biyahe.

Sana sa susunod na magkaroon ng tigil-pasada ay dapat mag-isip ng sampung beses ang mga organizer at tiyaking hindi ang mga commuter ang parusahan sa mga hirit nila sa gobyerno.