Abante Tonite Interactive

Transwoman ginilitan sa beach resort

414

Patay ang isang transgender na waiter ng beach resort matapos gilitan ng leeg sa tabi ng beach resort sa Bolinao, Pangasinan noong Martes.

Kinilala ni Bolinao Police Station (BPS) chief-of-police Dennis Cabigat, ang biktima na si Jestoni Reliendo, nasa wastong gulang, waiter ng Precious Bolinao Resort, ng Brgy. Pangasinan, Alaminos, Pangasinan.

Sa telephone interview ng Abante kay BPS P/SSgt. Glenn Frey Paragas, nakita ang wala ng buhay na biktima na may laslas sa leeg sa may buhanginan sa gilid ng Bolinao beach sa harap ng isang cottage bandang alas-6:30 nang umaga noong Martes.

Ayon kay Paragas, maaaring madaling-araw nangyari ang insidente at nag-overnight ang biktima kasama ang ilang kaibigan.

“Nag-out kasi siya (biktima) ng gabi ng Lunes sa kanyang trabaho at nagtungo na daw sa beach sa Bolinao,” ani Paragas. “Maaaring may nakaaway siya ng mada­ling-araw ng Martes hanggang sa natagpuan ang biktima sa buhanginan na may laslas na ang leeg.”

Ayon sa BPS, hawak na nila ang narekober na cellphone ng biktima na inaasahang magbibigay kaalaman para sa motibo ng pagpatay at pagkakaki­lanlan ng suspek.

Hinihinala ring itak ang ginamit ng suspek sa paggilit sa leeg nito. ­(Allan Bergonia)