Abante Tonite Interactive

Traslacion 2021 sana basura free na

163

Bumaba ang dami ng basurang nakolekta matapos ang Traslacion.

Sa ulat ng Manila Public Information Office nasa 330 tonelada o 68 na trak ng basura lamang ang nakolekta sa isinagawang Traslacion ng Poong Itim na Nazareno noong Enero 9.

Malinaw na mas mababa ito kumpara sa nahakot noong Traslacion 2019 na 99 trak ng basura o 387.4 tonelada ng Manila Department of Public Services.

Good news din bukod siyempre sa mas mababang oras na itinagal ng Traslacion na sa ulat ay nasa mahigit 16 oras lamang mas maiksi sa nakaraang ulat na mahigit 20 oras.

Maaari naman palang mangyari ang ganito kabilis at kalinis na Traslacion, nakapagtatakang hindi maipatupad.

Ang magandang kaganapang ito ay nagpapakita lamang ng maayos na pamamahalang mga nasa poder.

Ibig sabihin, tama ang pagpaplanong ginawa para sa Traslacion sa pangunguna ni Manila Mayor Isko Moreno at siyempre ng mga kagawad ng Philippine National Police na nagtulung-tulong para mapanatili ang maayos na takbo ng Traslacion.

Oo nga’t may ilang alingasngas, hindi natin ito maiiwasan.

Maaaring may mga pagtatalong nangyari pero naniniwala akong para rin ito sa kaayusan ng Traslacion.

At dahil nagawa na ang maayos na Traslacion umaasa tayong sa mga susunod na taon ay mas magiging madali na ito, sistematiko at higit sa lahat ay mapanatili ang kalinisan.