Abante Tonite Interactive

Traydor

By
1,296

Tama lang ba na ipagbawal ng palasyo ng Malacañang ang isang mamamahayag sa pag-cover kay Pa­ngulong Duterte?

Noong una, ang na­kabinbin na apila sa Court of Appeals ng Rappler ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na dahilan kung kaya’t hinarang ang kanilang reporter na si Pia R­anada.

Pero kinabukasan mismong si Du30 na ang rason na pinapaliwanag ni Roque at total ban na ang ipinatupad laban kay Pia. Personal na desisyon aniya dahil pakiramdam ng Pangulo ay na-traydor siya ni Pia.

Makakaladkad na naman sa isyung ito ang press freedom o censorship.

Ayon sa Rappler, hindi puwedeng i-ban ang kanilang reporter dahil protektado ito ng Saligang Batas. Karapatan nila na ipaalam sa publiko ang mga pahayag at ginagawa ng Pangulo.

Sabi naman ng palasyo, pinoproteksyunan nila ang interes ng gobyerno laban sa ‘fake news’.

Wala bang kakayahan ang palasyo na proteksyunan ang sarili nilang pangulo laban sa akusasyon ng ‘fake news’? Ang pikon ay talo.

Sabi nga ng ilan na political analyst, mas gugustuhin pa nila ang abusadong media kaysa ang kawalan ng media.
Tungkulin pa rin ng media na ipaalam sa mamamayang Filipino ang utos at aksyon ng isang pangulo, mali man ito o tama.

BALITAWIT

BAWAL NA GAMOT (Willy Garte)
Bawa’t yugto sa nangyari halos ‘di mo alam
Naglalakbay sa palasyo nang biglang hinarang
Bawal na bawal at ayaw niyo na ako ba’y makita dyan?
Hinahanap-hanap ko ang kasagutan.

O, kay saklap ng buhay
Kung siya’y aking tinatanong
Akala ko ang mundo ko’y nahulog sa bubong…
At nang ako nga ay ma-ban labis na nagtaka…
Ang access ko ay nawala

Chorus:
Pangulo ko’y ‘di maabot
Dahil sa bawal na ako
Labis niyo bang kinatatakutan
Ang aking katanu­ngan.

Instrumental:
O, kay saklap ng buhay
Kung siya’y aking sinusundan..
Akala ko ang mura niya ay wala nang katapusan
At ng kanang kamay niya ay nadamay, naintriga…
Accreditation ko ay nawala

Repeat Chorus
Lord Kayo na po ang bahala