Abante Tonite Interactive

Triad may kasabwat sa 7B shabu smuggling sa BOC — Sotto

By , ,
1,520

Naniniwala si Senate­ President Vicente ‘Tito’ Sotto III na may kasab­wat ang sindikato sa droga sa Bureau of Customs (BOC) kaya nailusot ang P7 bilyong halaga ng shabu mula sa Taiwan via Malaysia.

“Sigurado, paano makakapasok kung walang sabwatan, hindi­ naman puwedeng katangahan sobrang gaga­ling na nga ng mga ­andun,” diin ni Sotto.

Nauna rito ay natunton ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang apat na ‘magnetic lifters’ na wala nang lamang iligal na droga, sa isang warehouse sa General­ Maria­no Alvarez, Cavite, noong Biyernes nang umaga.

Tinatayang isang tonelada ang posibleng laman na droga ng ­lifters, nagkakahalaga ng P7 bilyong piso na maaaring ibinebenta na ngayon sa kalsada. Noong nagdaang Martes, nakita ng BOC sa Manila International Container Port ang kaparehong lifter na nag­lalaman ng mga droga.

Noong May 2017, nakalusot din ang P6.4 bilyong halaga ng shabu sa BOC mula sa China, pero nasabat naman ito sa isang warehouse sa Valenzuela City.

“Nakakadalawa na ito sa Customs ah, pinalitan na mga tao tapos meron pa ring ganyan,” dagdag pa ng lider ng Senado.

Ayon naman kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang nakalusot na drug shipment ay patunay lamang na malalakas ang loob ng mga drug syndicate kahit masigasig ang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

“We view the latest reported foreign drug shipment as a sign that big-timer drug manufacturers and smugglers are becoming bolder with a dwindled local supply as they feel the pressure from the go­vernment’s campaign against illegal drugs.” ani Roque.

Idinagdag pa nito na nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa kanilang mga foreign counterpart at hindi sila titigil para maaresto at mapanagot ang mga nasa likod ng malaking drug shipment.

Ayon kay Philippine­ Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, ang drogang nakalusot sa bansa ay nanggaling sa Taiwan at ipinadaan sa Malaysia bilang trans-shipping point.

Aniya, mayroon na silang 19 persons of interest na kinabibila­ngan ng mga Filipino, Chinese­ at Malaysians.

Tumanggi naman si Gen. Aquino na panga­lanan ang mga sinasabing persons of interest na umano’y nasa likuran ng nadiskubreng malaking halaga ng shabu, at tanging isang nakilalang Chao Yue Wah lamang ang kanyang binanggit na umano’y nagsisilbing ‘liaison officer’ ng Golden Triangle international drug syndicate.

Nabatid na si Wah ay gumagamit ng mga alias na KC Chan, Tony Chan, at Albert Chan.