Abante Tonite Interactive

Tricycle driver na sweet lover tinodas ng karelasyon

Part 5

By
1,566

Noong gabi nang Set­yembre 3, dakong alas-8:10, habang tinatahak pasalungat sa daloy ng trapiko ni Wilberto, sakay ng minamaneho niyang tricycle, ang kahabaan ng C. Arellano Street sa Barangay Baritan, Malabon City bigla na lamang umalingaw­ngaw ang isang malakas na putok ng baril.

Tinamaan na pala ng bala sa ulo si Wilberto at dahil nawalan na siya ng kontrol sa minamanehong tricycle, su­malpok sa bangketa ang gulong hanggang tuluyang bumaligtad ang tricycle.

Mula sa bumaligtad na tricycle ay lumabas ang isang babae na bumaril kay Wilberto at muling pinaputukan ang nakabulagta ng biktima upang matiyak na hindi na siya mabubuhay.

Matapos ang pamamaril, dalawang hindi kila­lang lalaki na ang isa ay sakay ng kulay gray na Yamaha Mio motorcycle habang ang isa ay sakay ng puti ring kahalintulad na motorsiklo ang dumating sa lugar na pinangyarihan ng pagpatay.

May hinala ang mga pulis na naka-buntot na talaga sa tricycle na minamaneho ni Wilberto ang dalawang lalaking nakasakay ng tig-isang motorsiklo kaya’t nang maganap ang pagpatay ay naroon kaagad ang dalawang lalaki.

Inilagay ng babaeng bumaril kay Wilberto ang baril sa isang bag na plastic at iniabot niya ito sa isa sa dalawang lalaking sakay ng motorsiklo bago mabilis ng tumakas ang mga ito patungo sa gawi ng Barangay San Agustin.

Sumakay naman ang babaeng bumaril kay Wilberto sa isang pampasaherong jeep na patungo rin sa Barangay San Agustin at iniwan ang duguan at wala nang buhay na katawan ni Wilberto na nakahandusay sa tabi ng tumaob niyang tricycle.

Nang makarating sa kaalaman ng mga tauhan ng Malabon City Police Community Precinct (PCP) 7, na pinakamalapit na presinto sa pinangyarihan ng pagpatay, kaagad silang nagresponde sa lugar sa pangunguna ng kanilang hepeng si Senior Insp. Christopher Millares at mabilis na nagsagawa kaagad ng follow-up operation para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakadakip sa mga salarin.

Ang mga tauhan din ng PCP-7 ang nagsagawa ng pag-kordon sa lugar upang hindi magalaw ang anumang ebidensiyang puwedeng makalap ng kapulisan hangga’t hindi dumara­ting ang mga tauhan ng Scene of the Crime ­Operatives (SOCO)

Nang dumating ang mga tauhan ng SOCO sa pangunguna ni Senior Insp. Sonny Boy Tepace, isinagawa nila ang mga proseso sa pagkalap ng kaukulang ebidensiya at larawan kabilang na ang isang basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril na nakuha sa crime scene.

Habang isinasagawa ng SOCO ang pag-proseso sa crime scene, nagsasagawa rin ng kanilang sariling pagsisiyasat ang mga tauhan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) sa pangunguna nina PO2 Binayug at PO1 Delgado at kinakausap ang mga taong nasa paligid sa pag-asang may ilan sa mga ito ang posibleng nakasaksi sa pangyayari.