Abante Tonite Interactive

Tricycle driver na sweet lover tinodas ng karelasyon

Last Part

480

Tumutugma rin sa ibi­nigay na deskripsiyon ni Pinto sa kanyang unang salaysay ang ka­anyuan ng nadakip na si Espinar na kulay blonde ang buhok, may kataa­san at bahagyang mataba at may nunal o balat sa ibaba ng kanyang kaliwang mata.

Dakong alas-12:00 naman nang tanghali nang dumating sa tanggapan ng SIDMB ang asawa ng biktima na si Sheril Felix, 42, upang magbigay ng salaysay kaugnay sa nangyaring pagpatay sa kanyang mister, na gagamitin ng pulisya sa pagsasampa nila ng kaukulang kaso laban kay Espinar.

Sa kanyang salaysay na kinuha ni PO2 Binayug, sinabi ni Sheril na wala siyang alam na dahilan kung bakit pinaslang ang kanyang asawa bagama’t ang alam niya ay may naging ka-relasyon na ibang babae ang kanyang mister.

Noon pa man aniya ay sinabi na sa kanya ng kaibigan mismo ng kanyang asawa na may kinahuhumalingang ibang babae ang kanyang mister bagama’t hindi kaagad niya ito pinaniwalaan.

Natatandaan aniya niya na ibinigay pa ng kaibigan ng asawa ang deskripsiyon o kaan­yuan ng babaeng ka-relasyon ng mister na tumutugma naman sa kaanyuan ni Espinar.

Sa kabila ng positibong pagkilala sa kanya ng testigong si Pinto na may kagagawan sa pamamaril sa biktimang si Wilberto Felix, ma­riin pa ring itinanggi ni Vivian ang bintang lalo na’t negatibo siya sa resulta ng isinagawang paraffin test sa kanya ng Northern Police District (NPD) Crime Laboratory.

Gayunman, isinampa pa rin ng mga tauhan ng Malabon Police SIDMB ang kasong murder laban sa kanya sa Malabon City Prosecutors Office at matapos ang pagdinig, nakakita ng sapat na ebidensiya o ‘probable cause’ ang taga-usig kaya’t isinampa sa korte ang kaso laban sa akusado.

Ayon kay PO1 Junny Delgado, malinaw na ang motibo sa ginawang pagpaslang sa biktima ay ang patuloy niyang panggigipit at pamba-blackmail sa babaeng ka-relasyon na naging dahilan upang mapuno na ang babae.

Dumating din umano sa punto na tinatakot na ng lalaki ang biyuda na gagawa ng hakbang upang mabuko ng kalive-in ng ginang ang kanilang pagmamabutihan sa oras na itinuloy pa rin nito ang kanilang paghihiwalay ng landas.

Sa ngayon ay nililitis na ang kaso ni Espinar sa Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 170 at bagama’t umaasa ang pamilya ng napatay na biktima na mabibigyan din ng katarungan ang pagkamatay ng kanilang padre de pamilya, patuloy pa rin silang umaasa na mahuhuli pa ang dalawang lalaking nagsilbing back-up sa krimen.

Sa panig naman ng pulisya. sinabi ni Insp. Paul Dennis Javier na bagama’t itinuturing na nilang sarado na ang kaso, patuloy pa rin silang nagsasagawa ng pag-TUGIS sa dalawang lalakin­g sinasabi ng testigo na kasabwat ng pangunahing suspek na pinagbigyan ng baril matapos ang ginawang pagpatay.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang ‘yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo, walang krimen na hindi pinagbabayaran.