Abante Tonite Interactive

Tricycle kinaladkad ng van, 2 sakay todas

236

Patay ang driver at kanyang pasahero matapos kaladkarin ang sinasakyan ng mga itong tricycle nang nakabanggang van sa Lopez, Quezon Huwebes nang hapon.

Agad nasawi ang pasaherong kinilalang si Ramon Saladas, 49-anyos, samantalang binawian ng buhay sa ospital ang nagmamanehong si Jimboy Gonzales, 23-anyos.

Sa report ng Lopez police, galing sa bayan ng Lopez ang tricycle at patungo sa Buenavista nang masalpok ito ng humaharurot na Grandia van na minamaneho ng isang Niel Romano Basilla sa intersection ng Maharlika highway sa Brgy. Danlagan alas-2:40 nang hapon.

Nakaladkad pa ng van ng ilang metro ang tricycle kaya nagtamo ng mga grabeng pinsala sa ulo at katawan ang mga biktima.

Ayon sa driver ng van, nagulat na lamang umano siya nang makita na nasa gitna ng highway ang tricycle. Sa bilis ng pangyayari ay hindi na niya ito naiwasan.

Hindi rin umano niya alam na may crossing sa lugar dahil walang nakalagay na signage o warning sign sa kabubukas pa lamang na kalsada patungong Bicol region.

Nasa kostudiya ngayon ng Lopez police ang driver at sinampahan na rin ng kasong reckless imprudence resulting to double homicide. (Ronilo Dagos)