Abante Tonite Interactive

Trillanes kinupkop ng Senado

By ,
1,976

Isinailalim sa custody ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, si Senador Antonio Trillanes IV matapos na bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnesty ng senador at iutos ang pag-aresto dito.

Sinabi ni Sotto na ginawa niya ang hakbang na ito upang mapanga­lagaan ang dignidad ng Senado.

“I have consulted with some members of the Senate already, to preserve the dignity of the Senate, we have to not allow any se­nator to be arrested in the Se­nate premises. Outside the Senate pre­mises, that’s no longer our concern but within­ the Se­nate premises that’s the decision of the leadership,” diin ng Senate President.

Nabatid na inihanda na ng Armed For­ces of the Philippines (AFP) ang kulungan ni Trillanes sakaling arestuhin ito ng mga awtoridad at ibalik sa kustodiya ng militar.

Ayon kay Department of National Defense (DND) Spokesperson Arsenio Andolong, tatratuhin nilang isang military si Trillanes mula sa punto na nahinto ang pagdinig sa kasong rebel­yon kaugnay sa ipinagkaloob na amnestiya ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Kasabay nito, ipinag-utos na ni acting AFP chief of staff Lt. Gene­ral Salvador Mison ang pagbuo ng bagong ge­neral court martial na siyang uusig ng kaso laban sa Senador.

Kaugnay nito, pu­miyok naman si da­ting Pangulong Aquino at sinabing balido ang inis­yu niyang amnestiya kay Trillanes, taliwas sa posisyon ni Pangulong Duterte na hindi nag-apply ang senador kaya binabawi niya ito.

“This January 25, 2011 document, signed by the Defense Chief, says that his application (for amnesty) is in order and as such, he is qualified for amnesty. So, he did apply (for amnesty),” wika ni Aquino sa interview ng CNN Phi­lippines patungkol sa resolusyon ng Ad-Hoc Committee ng DND na siyang nagpatibay ng aplikasyon ng senador sa amnesty.

Sa huling ulat kagabi, hindi pa nag-iisyu si Judge Andres Soriano ng Makati Regional Trial­ Court Branch 148 ng alias warrant of arrest at hold departure order laban kay Trillanes, matapos na maghain ng urgent motion ang Department of Justice.