Abante Tonite Interactive

Trillanes sa tinanggal na bodyguard: Kaya ko ang sarili ko

2,640

Walang dapat ipag-aalala ang mga tagasuporta ni Senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV makaraang alisin ang kanyang mga security detail mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces­ of the Philippines (AFP).

Ayon kay Trillanes, kaya niyang alagaan ang kanyang sarili kasama ang Magdalo soldiers.

“Huwag silang mag-alala dahil siguro by this time I know how to take care of myself pero hindi rin naman ako paranoid. I’m a fatalist. I know God has a plan. Kung oras mo, oras mo,” saad ni Trillanes.

Kasabay nito, hinamon pa ng senador ang kanyang mga kalaban na subukan siyang kantiin.

“Pero sa akin ganito lang—Subukan lang nila,” dagdag ni Trillanes.

Una nang kinumpirma ni Trillanes na simula noong June 30 ay nirecall na ng mother unit ng AFP at PNP ang kanyang mga security escort.

“Basta sabi ko, I’m fine. Ibigay nila, I’m good. Hindi (nila ibigay), I’m good. Hindi ako magpapaapekto,” dagdag ng senador.

Naunang nilinaw ng Malacañang at Philippine National Police (PNP) na may 6 pang security detail kay Trillanes taliwas sa ipinalalabas ng senador na tinanggalan na siya ng mga bodyguard.