Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Trisha, Adamson pinaiyak Ateneo

0 49

IPINAMALAS ni Trisha Genesis ang kailangang liderato sa Adamson University (AdU) Lady Facons upang masungkit ang una nitong panalo sa pagpapalasap ng 3-1 kabiguan sa Ateneo De Manila University 23-25, 25-19, 25-15, 25-12 sa ikaapat at huling laro kagabi sa UAAP Season 84 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena.

Binitbit ni Genesis sa itinalang 17 puntos mula sa 15 attacks, 1 block at 1 ace ang Lady Falcons upang maiahon sa unang set na kabiguan at mawalis ang sumunod na tatlong set upang malasap ang matamis na unang panalo matapos ang tatlong laro.

Ang panalo ng Adamson ang pinakadominanteng pagwawagi sa torneo kung saan nalimitahan nito ang Ateneo sa mababang iskor na 19, 15 at 12.

Nahulog naman ang Ateneo Lady Eagles sa ikatlong sunod na kabiguan.

“Pagod na kami pero worth it naman lahat ng pagod,” hayag ni Lady Falcons head coach Lerma Giron.

“Siyempre sobrang saya pakiramdam namin, sabi ko nga kanina, noong isang araw pa we need to win this game kasi sobra na ‘yung nasakripisyo ng mga players, lahat sa Adamson even coaching staff so we really want this game talaga.”

Samantala, dahil sa resulta, angat ang marka ng Adamson sa 1-2 win-loss habang baba sa 0-3 card ang Ateneo.

Sunod na makakasagupa ng Lady Falcons ang University of the Philippines (UP) Lady Maroons, Huwebes.

Sa kabilang dako, makakatapat ng Blue Eagles sa Huwebes ang Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws. (Lito Oredo & Janiel Abby Toralba)

Leave A Reply

Your email address will not be published.