Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Troll farm sa eleksyon

0 177

Nakakaalarma ang rebelasyon ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na may isang undersecretary ang abala na sa pagtatayo ng dalawang troll farm sa bawat lalawigan. Sa 81 lalawigan sa bansa, papalo sa 162 troll farm ang maitatayo ng opisyal.

Ang troll farm ay grupo ng mga ‘keyboard armies’ na ang kabuhayan ay gumawa ng propaganda sa kanilang principal at banatan ang mga kalaban.

Ang masaklap nito, taxpayer’s money ang gagamitin ng opisyal sa pagbabayad sa binubuong troll farm.

Sabi ni Vice President Leni Robredo, walang masama kung may troll farm ang isang opisyal ng gobyerno basta’t ginagamit ito para i-promote ang mga magagandang ginagawa ng gobyerno.

Pero ‘pag sinabi mong troll, masama na agad ang konotasyon nito. Sila ‘yung mga grupong maghahasik ng fake news para siraan ang target na kandidato lalo na ngayong malapit na ang eleksyon. Mahirap kalaban ang troll dahil anonymous ang gumagawa ng mga fake news.

Marami sa mga botante ang madaling mapaniwala sa mga nababasa nilang maling artikulo sa isang kandidato. Ang tinamaang kandidato naman, mauubos lang ang panahon sa kasasalag at pagpapaliwanag sa mga naglalabasang fake news.

SM food to go Banner Ad

Nangyari na po iyan noong 2016 presidential elections sa Pilipinas. Naging suki ng fake news si dating DILG Secretary Mar Roxas. Ilan sa mga pinekeng larawan ay umiinom daw sa plato si Roxas.

Kahit na sa Estados Unidos, naging laganap din noong 2016 presidential elections ang pagpapakalat ng fake news para manalo si Donald Trump. Nabisto ang operasyon ng Cambridge Analytica kung saan ninakaw ang higit sampung milyong account sa Facebook para lasunin ang isipan ng mga botanteng Amerikano.

Ang Cambridge Analytica rin ang responsable sa disinformation kaya nanalo sa referendum ang paglayas ng United Kingdom sa European Union. Nabisto nga ang operasyon ng Cambridge Analytica pero huli na dahil ‘the damage is done’ ika nga.

Sa mga operator ng troll farm, makunsiyensa naman kayo sa ginagawa ninyong pagsisinungaling sa publiko. Ang kailangan ng taumbayan ay kandidatong handang resolbahin ang mga mamanahing problema ng susunod na pangulo at hindi ‘yung maluluklok lang sa puwesto dahil sa mga fake news.

Sabi nga ni Lacson, hindi biro ang trabahong nakaatang sa susunod na pangulo. Nandiyan ang problema ng pandemya, lumalaking utang ng Pilipinas, milyon-milyong walang trabaho, iligal na droga, corruption, West Philippine Sea at iba pa.

Kawawa naman ang taumbayan kung ang mahahalal na presidente ay kailangan pang mag-praktis sa pamumuno ng higit 100 milyong Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.