Abante Tonite Interactive

Truck bumulusok sa bangin: 20 todas

237

Dalawampu ang patay habang siyam na iba pa ang sugatan matapos na mahulog sa bangin na may 100 talampakan ang lalim ang isang trak na sinasakyan ng mga ito kahapon nang umaga sa Brgy. Lamsalome sa bayan ng Tboli, South Cotabato.

Base sa ulat ni South Cotabato Office of the Civil Defense (OCD) Regional Director Minda Morante, 14 sa mga biktima ang dead on the spot habang ang anim na iba pa ay nasawi sa pinagdalhang pagamutan.

Samantala, siyam na iba pa ang patuloy na ginagamot sa pinagsugurang South Cotabato Provincial Hospital.

Lumalabas sa ulat na naganap ang insidente dakong alas-9:30 nang umaga habang binabagtas ng trak na may plakang WNN-207 lulan ang mga biktima ang mabundok na bahagi ng Brgy. Lamsalome ng nabatid na bayan.

Pauwi na sana ang mga ito galing sa isang family reunion at beach party sa General Santos City nang maganap ang insidente.

Sinasabing bumulusok sa malalim na bangin ang sinasakyan nilang trak nang ‘di na makontrol ng driver ang umano’y nag-malfunction na preno.

Sa ngayon ay wala pang ipinapadalang pangalan ng mga nasawi at nasugatan ang awtoridad habang patuloy ang imbestigasyon kung ano ang pinakaugat ng pagbulusok ng trak.

(Edwin Balasa/PNA)