Abante Tonite Interactive

Tsibog sa mga fast food, malinis at healthy kaya?

445

Nakasisiguro ba kayong ligtas at malinis ang mga masasarap na pagkain sa mga fast food chain?

Sa mga ulam, ilang beses kaya nila ito niluluto, iniinit, dinadagdagan ng panlasa at iba pa? Sa mga tinapay, gaano kada­ming calories ang taglay nito? Sa fries, fresh patatas kaya ito?

Alam mo ba na ang mga pagkain sa fast food chains ay makapagbibigay ng sakit tulad ng mataas sa kaloriya, taba, asin at asukal?

Iba na ang panahon ngayon, dahil sa sobrang busy sa trabaho o kaya sa school ay wala nang panahon upang magluto pa.
Upang makakain, kadalasan ay pumupunta na lamang sa mga fast food chain. Kinata­tamaran na rin ang magluto, dahil may nabibili namang mga pagkain na nais mo at free ­delivery pa.

Ang pagkain sa mga fast food chain ay hindi naman ganoon kasama kung hindi rin naman ito kinakain araw-araw. Kung ikaw ay nagpapapayat, maaari ka pa namang kumain sa fast food, bawasan lamang ang dami ng pagkain, iwasang maglagay ng gravy, uminom na lang ng tubig kumpara sa softdrinks o kaya naman ay kumain ng prutas at gulay bago kumain upang agad mabusog.

Ang sobrang kaloriya at taba ay nakakataba, ang sobrang asin ay maaaring magdulot ng sakit sa puso, at ang sobrang asukal ay hindi puwede sa mga taong may diabetes.

Hindi naman ito gano’n kasama kung hindi rin naman ito kinakain araw-araw, kailangan lamang huwag pasobrahan, at kung maaari ay iwasan. Tandaan, walang pagkaing nakakasama kung hindi naman pinasosobrahan.

Hamburger
Ang hamburger ay isa sa pinakamadalas kinakain sa mga fast food chain. Ang hamburger ay mayroong 265 kaloriya, 10g taba, 532mg sodium at 7g asukal habang ang isang cup ng kanin ay mayroon lamang 242 kaloriya at wala itong taba, asin at asukal. Ibig sabihin, kung kayo ay nagpapapayat, mas mainam na kumain ng kanin dahil mas nakaka­busog ito habang kakaunti lamang ang kaloriya nito.

French fries
Hindi makukumpleto ang burger kapag walang French fries at softdrinks, kung baga, fast food trio. Ang isang medium na French fries ay mayroong 370 kaloriya, 19g taba, at 266mg sodium. Ibig sabihin, mas mataas ang kaloriya at taba nito kumpara sa isang ordinaryong burger.

Softdrinks/soda/Coke float
Ang Coke float na kilalang-kilala nga­yon dahil sa kakaiba nitong lasa ang kumompleto sa trio ng fast food chains kapalit ng regular softdrinks. Ang isang large size ng Coke float ay mayroong 430 kaloriya, 12g taba, 140mg sodium at 71g asukal, mas mataas pa ang kaloriya nito kumpara sa burger at French fries.

Alam n’yo bang kapag pinagsama-sama ang fast food trio, ibig sabihin ay kumain ka ng 1,056 kaloriya sa isang kai­nan lang habang ang kaloriyang kinakailangan ng karamihan ay mahigit-kumulang 2,000 kaloriya sa loob ng isang araw.

Kung iisipin, kapag kumain ka ng fast food trio nang tatlong beses sa isang linggo ay maaari ka nang bumigat ng isang libra (pound), pa­konti-konti lamang kaya hindi napapansin, ngunit kapag kailangan mo nang magpapayat, ang pagbabawas ng isang libra sa isang linggo ay lubos na mahirap. Kaya habang hindi ka pa mataba ay iwas-iwasan na ang pagkain ng pagkaing may ganito kataas na ­kaloriya.