Abante Tonite Interactive

Tsimay at Lover, killer ng Perpetual Dean

By
1,828

Nalutas na rin ang karumal-dumal na pamamaslang sa dean ng University of Perpetual Help School of Medicine noong Biyernes ng madaling-araw sa loob ng kuwarto nito sa kanyang bahay sa Las Piñas City.

Ito’y makaraang umamin umano sa krimen sa ginawang interogasyon sa kanila ng pulisya ang kasambahay na kinilalang si Juvvy Bandoy Acero alyas Tata, 43-anyos, at ang kinakasama nitong si Dindo Engcoy Legano, 39-anyos.

Matatandaan na si Acero ang unang nagsabi sa mga pulis na nakari­nig siya ng sigawan sa loob ng kuwarto ng biktimang si Harivelle Charmaine Tapaoan Hernando, 62-anyos, sa bahay nito sa Doña Manuela Subdivision, Pamplona 3, Las Piñas.

Puwersahang sinira ng mga rumespondeng pulis ang kuwarto ng biktima at tumambad sa kanila ang bangkay nito.

Una nang itinuring ng mga imbestigador na person of interest si Acero na nagsisilbing kasambahay ng biktima.

Kahapon, nabatid ng TONITE mula kay Senior Supt. Marion Balonglong, hepe ng Las Piñas Police, na kanila nang sinampahan ng kasong robbery with homicide sina Acero at Legano matapos na umamin umano ang mga ito na siyang may kagagawan ng krimen.

Ayon kay Balonglong, pakay lang umano ng mga suspek na pagnakawan ang biktima dahil nalaman nila na nakapagbenta ito ng lupain sa probinsya.

Alam umano ng mag-asawa na may safety vault sa loob ng kuwarto ng biktima at doon nakatago ang pera kung kaya’t pinilit nila itong pabuksan.

Pero nagmatigas diumano ang biktima kung kaya’t sinaktan nila ito at nang hindi pa rin binubuksan ang vault ay kanila na itong pinagsasaksak ng kutsilyo.

Hindi nabuksan ang vault pero ninakaw ng mga suspek ang cellphone ng biktima gayundin ang P3,000 cash sa pitaka nito pati na ang dalawang ATM. Hindi na nabawi ang mga ninakaw. (Armida Rico)