Abante Tonite Interactive

Tsimay ibinenta sa porno site

By
0 1,400

Tatlong lalaki ang ­inaresto ng mga operatiba ng pulisya sa Hagonoy, Bulacan makaraang makatakas sa kanila ang isang 17-anyos na dalagitang kasambahay na bukod sa hindi pinapa­yagang makalabas sa bahay ay pinagsasayaw pa ng hubo’t hubad sa mga parokyanong foreigner sa isang website.

Kinilala ni Bulacan police provincial director Sr. Supt. Chito Bersaluna ang mga suspek na sina Harvy Meniano y Tiu, 24; John Castro y Almuete, 34; at Carmelyn Espiritu y De Jesus, 35, pawang residente ng Sitio Wawa, Brgy. Iba sa bayan ng Hagonoy.

Nitong Miyerkoles nang hapon nakatakas sa kanyang mga amo ang biktima matapos itong umakyat sa bakod nang malingat ang mga suspek.

Nagtatakbo ang dalagita at humingi ng tulong sa Bantay Bayan outpost ng Sitio Wawa.

Sa sumbong ng biktima, ikinukulong siya ng kanyang mga amo at pinapayagan lamang lu­mabas ng bahay kung kasama sila.

Ipinagtapat din ng dalagita na pinagsasa­yaw siya ng hubo’t hubad at ipinapanood ito sa mga parokyanong fo­reigner sa CAM4 website.

Dahil dito, humingi ng tulong sa pulisya ang mga opisyal ng barangay at pinuntahan ang bahay ng mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito.

Sa pagsisiyasat ng mga pulis sa computer ng mga suspek, nagawa na umanong mabura ng mga ito ang video ng dalagitang kasambahay bago sila dinala sa himpilan ng pulisya.

Nahaharap sila nga­yon sa kasong human trafficking pero patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa operasyon ng mga suspek na pinagsasa­yaw nang walang saplot ang kanilang kasambahay sa harap ng computer at live itong pinapanood sa mga banyagang parok­yano.