Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tsimay palaban sa anak ni Lucio Tan

0 105

Determinado ang isang kasambahay na managot si Timmy Tan, anak ng bilyonaryong si Lucio Tan, dahil sa pananakot nitong ipababaril umano siya matapos nilang magkasagutan.

Sa episode ng ‘Wanted sa Radyo’ ni Raffy Tulfo, sinabi ni Rocelle Siay, na itutuloy niya ang pagsasampa ng kasong grave threat laban kay Tan.

Nag-ugat ang isyu sa isang insidente kung saan pinagsisigawan umano ni Tan ang kasambahay dahil sa pagluluto ng hotdog para sa umano’y babae ng kanyang amo. Narinig sa video na kuha ni Siay na pinababaril umano siya ni Tan sa bodyguard nito.

“Willing po akong sampahan siya ng kaso. Hindi po ako magpapaareglo katulad ng iniisip ng marami na pera-pera lang at uurong ako, hindi po ganon,” giit ni Siay.

“Natatakot po ako. Wala po akong maayos na tulog simula noong mangyari ‘yon,” aniya pa.

Nangako si Tulfo na kanyang sasagutin ang titirahan ng kasambahay habang gumugulong ang kaso para masiguro ang kaligtasan nito.

Ayon pa kay Siay, marami na umanong nakikipag-usap sa kanya para makipag-ayos, kasama na rito ang isang opisyal ng barangay.

Ngunit gusto talaga ng kasambahay na maparusahan ang kanyang dating amo.

Nangako naman si Tulfo na susuportahan si Siay sa laban nito kontra sa mayamang negosyante, at hindi rin uurungan ang isinampang cyberlibel ni Tan laban sa kasambahay.

Nanawagan din ng suporta si Tulfo sa kanyang 21 milyong subscribers para tutukan ang kaso at matiyak na magiging patas ang mga naninilbihan sa korte lalo’t ‘test case’ aniya ito laban sa may impluwensyang pamilya. (Ray Mark Patriarca)

Leave A Reply

Your email address will not be published.