Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tsinoy na tinakasan bill sa Sogo nakuhanan ng shabu

0 94

Isasailalim ng Quezon City Police District (QCPD) sa drug test ang Filipino-Chinese na hindi nagbayad ng hotel bill at naaresto ng pulisya sa isang hot pursuit operation mula Quezon City hanggang Maynila matapos makumpiskahan umano ng hinihinalang shabu sa kanyang sasakyan.

Ayon kay QCPD director Antonio Yarra, ang suspek na si Arvin Tan, 46-anyos, ay posibleng maharap rin sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act matapos umanong makunan ng isang nakabukas na plastic sachet at may puting pulbos na hinihinalang shabu at plastic strip sa loob ng BMW nito.

Isasailalim rin aniya ang suspek sa drug test upang matukoy kung nasa impluwensiya ito ng iligal na droga nang maganap ang insidente.

“During sa search sa kanyang kotse, ‘yong black BMW, may narekober dito na open plastic sachet with white crystalline substance believed to be shabu and one small aluminum foil strip,” ayon sa hepe.

“We’ll subject him to a drug test para malaman natin kung under the influence of drugs siya or liquor at bakit niya nagawa ‘yon,” ayon pa kay Yarra.

Magugunitang nag-amok at tinakasan umano ni Tan ang kanyang bill sa Hotel Sogo sa Barangay South Triangle, QC tapos ay nakabangga siya ng hindi bababa sa 10 sasakyan habang tinatakasan ang rumespondeng awtoridad. Umabot ang hot pursuit operation sa Recto Avenue, Nicanor Reyes Street sa Maynila kung saan tuluyang nadakma ang suspek.

Una nang sinabi ng mga pulis na sasampahan nila si Tan ng mga kasong estafa, resistance and disobedience to a person in authority, at multiple damage to property.

Matatandaang una na ring nasangkot si Tan sa kaso ng pagwawala sa Maynila kung saan sinasabing mayroon umano itong mental condition.

“Doon sa previous incident niya sa Manila, ina-allege nila na siya ay may sakit sa pag-iisip, so ‘yon din ay ating tinitignan, at subject ngayon ‘yan ng ating medical examination na ginagawa sa kanya,” sabi ng hepe. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.