Abante Tonite Interactive

TSP kayanin kaya ang ang 6 gold sa SEAG?

189

Ilang araw na lang at masasaksihan ang unang opisyal na torneo ng electronic sports o eSports sa pagho-host ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games 2019.

Isinagawa sa bansa ang isa sa tanging limang opisyal na test event sa SEA Games na ang pinakahuli ay ang eSports, winalis dito ng ‘Pinas ang tatlong medalyang ginto sa DoTa 2, Tekken 7 at Mobline Legends: Bang, Bang.

Katanungan sa ngayon ang kakayahan ng Team Sibol Pilipinas kung kayang makasungkit ng medalya sa huling natitirang tatlong game titles na Arena of Valor, Heartstone at StarCraft na ‘di naisagawa.

‘Di maitatatwa ang husay ng mga Pilipino sa tatlong popular na laro dahil sa pamamayagpag sa mga internasyonal na torneo kung kaya naman mataas din ang inaasahan ng mga mahihilig sa mga nasabing laro na madodomina ng TSP ang huling tatlong laro.

Isang ginto sa loob ng isang araw ang paglalabanan sa SEA Games eSports na lahat ay gagawin sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Maliban sa mga nakatayang ginto, nakalaan para sa Pinoy eGamers na magwawagi ng bawat ginto ng insentibong P300,000 base sa isinasaad ng batas at dagdag na P300,000 mula naman sa Philippine Olympic Committee.
Kaya naman ang magwawagi ng ginto ay mabibiyayaan ng P600,000 kada isa. Ang pilak ay P200,000 ang katapat at ang tanso ay P100,000 na makukuha mula sa PSC at POC.

Kumpara sa inaasahang matatanggap ng mga atleta kung lalaban sila sa mga internasyonal na torneo, lubhang mababa ang nasabing mga insentibo. Pero mas pinili nila na sumabak rin sa SEAG para sa bansa.

Saludo ang inyong lingkod sa inyong mga pambansang atleta.