Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tsukii asinta 2 gold medal

0 31

Higit sa maipagtanggol ang korona sa women’s under-50kgs Kumite, plano rin ng World No. 4 karateka Junna Tsukii na masipa ang isa pang gintong medalya sa women’s team Kumite sa darating na 31st Southeast Asian Games simula Mayo 18-20 sa Ninh Binh Gymnasium Hanoi, Vietnam.

Nakatakdang makipagtulungan ang 30-anyos na Filipino-Japanese sa kapwa naghahangad ng double-gold performance na sina Jamie Lim (women’s under-61kgs), Fil-Jap Lemon Misu (women’s +61kgs) at Mae Soriano (women’s 55kgs).

Umaasa ang Pasay-born at 2018 Jakarta-Palembang Asian Games bronze medalist na magagamit niya ang malawak na karanasan sa pagsasanay at pakikipaglaban sa international competitions, kung saan nagwagi ito ng ginto sa 2021 Karate 1-Premier sa Lisbon, Portugal at Cairo, gayundin ang Golden Belt tournament sa Serbia at silver medal finish sa 2021 Asian Championships sa Almaty, Kazakhstan.

“I am very confident of them that they can deliver another medal for us, and hopefully a gold for the team,” pahayag ni karate chief Richard Lim sa panayam ng Abante Sports.

Mas determinado pa umano ang 2017 Kuala Lumpur bronze medalist na mapanalunan ang mga medalya sa Hanoi meet matapos na mabigong makapasok sa 2020+1 Tokyo Olympics qualifiers, habang wala pang kasiguruhan ang 2022 Asian Games sa Hangzhou, China dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa naturang bansa at ang pagkakatanggal sa Karate event sa 2024 Paris Olympics.

Nagawa pang makapagsanay ni Tsukii sa bansa simula Abril 26 kasama ang buong national team sa bubble training camp sa Joy Nostalg Hotel sa Pasig City, matapos manggaling ng national squad sa bubble camp sa Baguio City simula Setyembre 2021. (Gerard Arce)

Leave A Reply

Your email address will not be published.