Abante Tonite Interactive

Tubid throwback sa Sampaloc

332

Bumalik sa alaala ni Ronald­ Tubid ang mga araw niya noon sa kolehiyo nang bumisita sa mga lugar sa Sampaloc na dati niyang pinagbabasketbolan.

Isinama ni PBA commissioner Willie Marcial ang veteran guard ng San Miguel sa PBA Homecourt outreach program ng liga, kasama ang kakamping si Kelly Nabong, at sina James Sena at Abu Tratter ng Blackwater.

Dinalaw nila noong Huwebes ang Barangay 424, 420 at 435.

“Lahat ito, nalibot ko na,” ani Tubid sa PBA website.

Dalawang dekada na rin nang huli siyang mapunta sa mga lugar na nabanggit. Malapit lang sa pinasukan niyang UE sa university belt, dito aniya siya madalas maglaro noon.

“Madalas, inaabot kami dito ng madaling araw kaka-basketball,” balik-tanaw ni Tubid, pumasok sa PBA noong 2003 bilang 16th pick ng Shell. “Malapit lang kasi ‘yung UE dito. Iniikot namin ‘to, P. Campa, P. Noval, Balic-Balic.”

At may mga pamilyar na mukha pa rin siyang nakita makalipas ang halos 20 taon.

“Sobrang saya, parang ganito pa rin kung ano ‘yung dati,” anang 37-anyos na 6-foot-1 guard na tubong Iloilo. “Ako nga na-surprise. Been 20 years bago ako nakabalik dito, may mga taong kilala mo pa rin dati.”

Bago nilisan ang pook, may mensahe si Tubid sa mga batang nangangarap ding makarating sa pros, tulad niya dati.

“Susunod lang sa mga magulang, walang hinahangad ‘yung magulang na ikasasama n’yo. Importante ang pag-aaral at disiplina,” paalala niya. “And don’t forget to pray. ‘Ika nga, play hard, pray harder.” (Vladi Eduarte)