Abante Tonite Interactive

Tugade, transport leaders face-off sa Senado

167

Inaasahang magiging­ mausok ang paghaharap sa Senado ng mga lider­ ng transport group at ni Transportation Secretary­ Arthur Tugade hinggil sa modernization program ng gobyerno sa public utility vehicles (PUVs) na magreresulta sa phase out ng mga lumang pampasaherong jeep.

Ipinatawag ni Senadora Grace Poe, chair ng senate committee on public services, ang hea­ring ngayong alas-10:00 ng umaga bilang pagtupad sa pangako nito sa pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na makakaharap nila si Secretary Tugade kapalit ng kanselasyon ng transport strike noong Disyembre 4 at 5.

Umaasa si Poe na sisipot ngayon si Tugade dahil ito ang petsang kanyang hiniling kaysa sa orihinal na schedule sana noong Disyembre 7.

“Unang-una gusto nating ayusin ang gusot sa gitna ng DOTr, si Sec. Tugade, at yung mga miyembro ng ibang jeepney organizations katulad ng PISTON, kasi ayaw naman natin na maantala pa at ang ating mga kababayan ay mahirapan lalung-lalo na’t magpa-Pasko, so pag-uusapin natin sila para wala na muna ang mga strike na yun.” paliwanag ni Poe.

“Ang talagang hiniling sa atin ng mga jeepney operators ay sana nandoon nga si Sec. Tugade kasi dapat mari­nig natin mismo sa kanya:­ ano ba ang maitutulong ng gobyerno at ­paano ba itong programa ng PUV modernization?”­ dagdag ng senador sa isang programa ng himpilang DZBB.

Kahit aminado ang senador na kailangan na talagang palitan ang mga lumang jeep na nagiging peligro sa daan, hindi naman ito bilib sa ilalargang modernization project ng Department of Transportation (DOTr) dahil sa masyado itong maambisyoso.

Tinatayang 234,000 hanggang 274,000 jeepney units ang nakatakdang palitan ng gobyerno sa 2018 at duda si Poe na maisasakatuparan ito.

Bukod pa diyan, wala rin umanong sapat ng pondo ang pamahalaan para sa nasabing proyekto kung saan bibigyan nila ng puhunang P80,000 bawat isa ang may 274,000 mga driver.

Ayon kay kay Poe, hindi umano sapat ang inilaang dalawang bilyong­ pisong subsidiya para sa nasabing proyekto.

Mahihirapan din umano ang mga jeepney operator na bayaran ang P1.6 milyong halaga ng modernong jeep na kanilang babayaran sa pitong taon.

“Kahit pabayaran ‘yan ng pitong taon sa mga operator o driver, napakabigat na halaga niyan,” diin ni Poe.