Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tukuyin ang mga lupang hindi binabaha

0 70

PARANG kailan lang nang maganap ang kahindik-hindik na pangyayari nang bumaha ang napakaraming lugar sa ating bansa dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng bagyong Ondoy na umukit talaga ng grabe sa ating kasaysayan.

Isa sa pinakagrabeng naapektuhan ng bagyong Ondoy ang Metro Manila at mga karatig-bayan na ikinasawi pa ng marami sa ating mga kababayan dahil sa hindi akalaing paglaki ng tubig baha.

Marami ang lugar na hindi naman dating binabaha ang biglang binaha noong panahon ng Ondoy dahil sa napakaraming tubig ulan na tumagal ng ilang araw at marami ang nagsasabi na posibleng ilang dekada pa ang magdadaan bago maulit ang pangyayari sa Ondoy.

Dahil dito ang mga lugar na lumubog ng grabe ay muling binalikan ng ilan sa ating kababayan bitbit ang paniniwala na hindi na mauulit ang bagyong Ondoy kaya muli ay nanatili ang marami sa dati nilang lugar.

At heto at muling sumalakay ang magkakasunod na bagyo, simula sa Quinta na sinundan agad ng Rolly na pawang malalakas at sumalanta ng maraming lalawigan na kahit maraming sinira ay kinaya naman ng marami nating kababayan.

Kaya nang magbigay nang paulit-ulit na babala ang PAG-ASA hinggil sa pagdating ng bagyong Ulysses ay marami ang tila minaliit ang pagdating ng naturang bagyo sa pag-aakalang kasing lakas lamang ito ng naunang dalawang bagyo.

Marami ang naghanda, lumikas ng mas maaga ngunit tanggapin nating marami rin sa ating mga kababayan ang mas pinairal ang lakas ng loob para manatili sa kani-kanilang lugar sa pag-asang dadaan lamang ang bagyo.

Ngunit nangyari ang hindi inaasahan dahil mas malupit pa sa Ondoy ang bagyong Rolly na sa buong magdamag lamang ay nagbuhos na ng napakaraming ulan na sumalanta sa napakalawak na bahagi ng bansa.

Marami ang natabunan, nalunod, nawalan ng tahanan at nawasak na mga pananim at iba pang ari-arian na hindi sana nangyari kung naging sensitibo lamang ang marami sa ating mga kababayan.

Hindi natin sinisisi ang mga kababayan nating sanay na hindi inaabot ng baha ang kani-kanilang lugar at ngayon lamang nakaranas pasukin ng baha ang kani-kanilang tahanan dahil matatawag talaga silang bagong biktima.

Ngunit kapansin-pansin na mas kakaunti ang mga casualty sa mga lugar na sanay nang binabaha kumpara sa mga lugar na ngayon pa lamang binaha ng ganito kalalim.

Ang mga labis na naapektuhan ay ang mga kababayan nating bagong lipat sa kanilang lugar na hindi akalaing napakataas palang magbaha at ‘yung mga sanay sa baha na hindi rin akalain na sobrang taas ng magiging baha.

Marahil panahon na para tukuyin ng barangay ang mga lugar na palaging binabaha at lagyan ng mga pagkakakilanlan o marka upang hindi na dagsain pa ng mga bagong lilipat ng tahanan at magkaroon ng pagkakataong humanap ng mataas na lugar.

Maaari ding bigyan ng sertipikasyon ang isang lupa mula sa pamahalaang lokal o kahit sinong awtorisadong ahensiya na katunayang hindi ito binabaha at magiging kaakibat ito ng titulo sakaling ipagbibili upang mabigyan ng tamang detalye ang bibili ng lupa.

Sa ganitong paraan ay marami tayong kababayan ang hindi na mananatili sa mga mabababang lugar o kaya ay mabibigyan sila ng pagkakataong tambakan o itaas ang kanilang ipatatayong tahanan.

Malaking bagay din na alam ng ating mga kababayan na hindi ligtas sa baha ang binili nilang ari-arian upang sa tuwing sasapit ang kalamidad ay agad silang makapaghanda kahit hindi pa inaabisuhan ng pamahalaan.

Alam nating sa mga darating panahon ay may mga bagyo pang darating, sana ay hindi na maulit na abutan pa tayo sa delikadong sitwasyon dahil lamang sa binalewala natin at minaliit ang mga paunang babala.

Leave A Reply

Your email address will not be published.