Abante Tonite Interactive

Tulak, 2 parokyano nalambat sa QC

145

Laglag sa mga ope­ratiba ang isang tulak matapos mauntog at pumutok ang ulo dahil sa tangkang pagtakas nang aarestuhin na ito, at huli rin ang dalawang parokyano nito sa drug operation sa Quezon City kamakalawa.

Nakilala ang suspek na si Eduardo Palomo, target ng operasyon at sina Malou Lapot at Albert Peralta.

Ayon sa report, mahigit isang lingong surveillance ang ginawa ng mga tauhan ng station drug enforcement unit para malambat ang suspek na kung saan isang pulis na umaktong buyer ang nakipagtransaskyon sa kanya para makabili ng shabu sa halagang P1,500.

Nagkasundo silang magkikita sa Luzon Ave para magpalitan ng droga, sakto namang nandoon din ang dalawa pang suspek na bumibili din ng droga kay Palomo.

Nakatunog umano si Palomo na pulis ang kanyang nakatransaksyon kaya nagawa nitong tumakas habang agad namang dinampot sina Lapot at Peralta.

Dahil sa palusot-lusot sa mga bahay habang nakikipagtaguan sa mga pulis ay aksidenteng nauntog ang suspek sa matigas na bagay na na­ging dahilan ng pagputok ng kanyang ulo at doon na nalambat.

Umaabot sa P34,000 halaga ng shabu o nasa limang gramo ng shabu ang nakumpiska sa mga suspek. (Vick Aquino)