Abante Tonite Interactive

Tulak 8 beses binaril

353

Pinaniniwalaang biktima ng summary execution o salvage ang isang umano’y tulak ng iligal na droga nang brutal itong patayin ng hindi pa kilalang mga salarin at matagpuan ang bangkay nito Lunes nang umaga sa Purok Chicos, Barangay Dawis Norte sa bayan ng Carmen, Cebu.

May walong tama ng bala sa ulo at katawan mula sa kalibre 45 at 9mm na baril, nakagapos ang kamay gamit ang packing tape at may mga bakas na pinahirapan muna bago pinatay ang biktimang si Jasper Perez, 30, residente ng Brgy. Cogon Guinsay sa Danao City, Cebu.

Base sa ulat ng Carmen Municipal Police Station, natagpuan ang bangkay ng isang traysikel drayber sa Purok Chicos Brgy. Dawis Norte pasado alas-sais nang umaga.

Kinilala ang bangkay na si Perez na base sa kanilang imbestigasyon ay isang kilalang tulak ng iligal na droga sa Danao City.

Lumalabas din na malapitang pinagbabaril ang biktima matapos makuha ang mga basyong bala ng kalibre. 45 at 9mm na baril sa paanan ng bangkay nito.

Ayon naman sa mga residente, pasado ala-una ng madaling-araw nang makarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril subalit sa takot na madamay ay nanahimik muna.

Patuloy ang imbestigasyon ngayon ng pulisya hinggil sa kaso. (Edwin Balasa)